Masyadong maisip sa pagkain, nanay ng magkapatid na aktres na parehong payatot ginugutom ang mga kasambahay!
Nagsusumbong ang mga kasambahay ng isang pamilyang showbiz sa kanilang mga kapitbahay. Ang reklamo ng kanilang mga maid-of-cotton, mahigpit sa pagkain ang ina ng mga babaeng personalidad na pinaglilingkuran nila, take note na magkapatid na artista ang anak ng may karamutang nanay.
Baguhan lang ang mga nag-eemowt na kasambahay, ang pinalitan ng mga ito ay umalis din na nagrereklamo, dahil kung minsan kuno ay naduduling na sila sa pagkagutom.
Nasa oras naman ang kanilang kain, hindi sila sumasala sa oras, pero masyado raw tasado ang kanilang pagkain. Sa umaga ay tigalawang pandesal lang at kape ang kinakain nila, malaki ang bahay ng pamilya na kailangan nilang linising mabuti, dahil may katarayan ang ina ng magkapatid kapag may alikabok itong nakikita sa kanilang mga muwebles.
Kuwento ng aming source, “Bumabawi na lang sana sila sa kanin nu’ng una, kaso, nililitanyahan daw naman sila ng mommy ng magkapatid na napakamahal na ng bigas ngayon.
“Kailangan daw kasyang-kasya lang para sa kanilang lahat ang isinasaing nila, walang matitira, dahil napakaraming taong nagugutom ngayon sa buong mundo.
“Bilang na bilang pala ng mommy ng magkapatid ang konsumo nilang bigas. Marami sila sa house, pero kailangang kumakasya sa loob nang isang buwan ang isang kaban, tutal daw naman, e, pandesal ang kanilang agahan.
“Makuwenta ang mommy ng magkapatid, iba ang food nilang mag-anak sa pagkain ng kanilang mga kasambahay,” kuwento ng aming impormante.
‘Yun din kayang kakuriputan ng kanilang nanay ang dahilan kung bakit super-payatolah ang magkapatid na ito? Sila ang nagpapakamatay sa pagtatrabaho, sila ang kumikita, tinitipid din kaya sila ng kanilang mommy?
Ubos!
Derek wala sa hitsura na may pinagdaraanan nang simulan ang Amazing Race 2
Nasimulan namin ang ikalawang season ng The Amazing Race Philippines nu’ng Lunes nang gabi. Holiday, walang trapik, kaya inabutan namin ang pagsisimula ng programa ni Derek Ramsay sa TV5.
Sa lahat ng mga kalahok ay si RR Enriquez lang ang pamilyar sa amin, ang iba pa ay mga interesanteng pigura rin, tulad ng mag-ama, ng dalawang chef, ang dating magkarelasyon at iba pang mga contestants na mukhang puro palaban.
Itineyp ang The Amazing Race Philippines Season 2 sa kasagsagan ng demandang inihain ni Mary Christine Jolly laban sa host-master racer na si Derek Ramsay.
Sa kabuuan ng unang episode ay hinahanap namin ang isang taong naliligalig dahil sa kanyang pinagdadaanang personal na problema, pero tama ang kuwento ng kanyang staff, napakapropesyonal ng hunk actor.
Walang-wala ‘yun sa itsura ni Derek, guwapong-guwapo pa rin siya at magaling mag-host, isinasantabi muna niya sa isang sulok ang problema para tuparin ang kanyang responsibilidad sa kanyang manonood.
Tuloy ang labanan nila ng ina ng kanyang anak, sampung testigo ang nakahandang dumepensa para sa aktor, nagsumite na ng kanilang sinumpaang-salaysay ang mga taong magpapatunay na lahat ng akusasyon ni Mary Christine laban kay Derek ay puro gawa-gawa lang.
Nu’ng mga unang araw ng labanang ito ay nasa alanganing sitwasyon ang imahe ni Derek Ramsay, pero nang sumagot na siya ay nabalanse na ang senaryo, ngayon ay mukhang umaabante na ang hunk actor dahil nalapatan niya ng paliwanag ang mga akusasyon sa kanya ng babaeng sumisigaw tungkol sa kanyang diumano’y kairesponsablehan.
- Latest