Unique raw ang kanyang music, Enchong Dee ayaw ikumpara sa kapwa actor na recording artist din
Wheee certified recording artist na rin pala si Enchong Dee.
Yup, as in natupad na ang pangarap niyang maging isang recording artist. At magkakaroon na ng launching ang kanyang album ngayong tanghali sa ASAP at ilulunsad ng Star Records nationwide ang kanyang self-titled debut album sa Martes (Oktubre 7).
“Noong una, pang-digital release lang ‘yung single ko ngayong Chinito Problems. Kaya po sobrang blessing para sa akin nang matuloy kami sa paggawa ng isang buong album na laman ang tipo ng music ko na siguradong maa-appreciate rin ng mga sumusuporta sa akin,” sabi Enchong na aminadong pangarap ang maging singer mula noong siya ay siyam na taong gulang.
Nang tanungin kung nakararamdam ba siya ng pressure na makumpara sa mga kapwa niya actor-turned-singers katulad nina Daniel Padilla, Xian Lim, at Enrique Gil, positibong ibinahagi ni Enchong na ‘unique’ ang kanyang musika.
“Walang dapat ika-pressure dahil lahat kami ay may kanya-kanyang espesyal na kakayahan. Sa katunayan, kung pakikinggan mo ang mga kanta ko, madali mong masasabing ako ‘yun. At kapag patutugtugin mo ang album ko, parang kasama mo akong nagsasaya at sumasayaw,” pahayag ni Enchong.
Bukod sa kanyang radio hit single na Chinito Problems, yes, may hit single na siya, bahagi rin ng six-track album ni Enchong ang kantang Isip o Puso, na siya mismo ang composer. Ayon kay Enchong, sinulat niya ito habang nagpo-promote ng Once a Princess, ang reunion movie project niya kasama ang love team partner na si Erich Gonzales.
Iniidolo ni Enchong ang mga ‘90s boybands gaya ng Backstreet Boys at ‘N Sync at music icons katulad nina Michael Jackson, Josh Groban, at Usher.
Tampok rin sa album ni Enchong ang Step No Step Yes, Hanggang Dito Na Lang, Seloso, at Tambalang OMG na duet niya kasama ang Kapamilya leading lady na si Alex Gonzaga.
Maaari na ngayong ma-download ang digital version ng self-titled debut album ni Enchong sa Mymusicstore.com.ph at iTunes. Samantala, sa halagang P199 lamang ay mabibili na ang CD sa lahat ng record bars sa buong bansa simula Oktubre 7.
- Latest