Motorcycle Diaries team nanakawan sa Roma!
MANILA, Philippines - Labimpitong lungsod at limang bansa sa kontinente ng Europa sa loob ng labindalawang araw. Ito na marahil ang pinakamapangahas at pinakamapanghamong paglalakbay ng travel-documentary program ng GMA News TV na Motorcycle Diaries.
At sa huling bahagi ng Europe Expedition, ang 3rd Anniversary special ng programa, samahan ngayong Huwebes ng gabi ang Peabody awardee na si Jay Taruc na muling bisitahin ang mga magagandang tanawin sa bansang Germany, Austria, Italy, Vatican at France.
Sa Marienplatz sa Munich, Germany, nakilala ng grupo ang Pinay na si Lura at ang asawa niyang Aleman na si George. Sinamahan silang mamasyal sa Marienplatz o St. Mary’s Square at natikman nila ang sikat na beer ng mga Aleman.
Unforgettable rin ang mga kakaibang istrukturang nakita ng grupo sa Europa- ang sikat na Leaning Tower of Pisa sa Italy, at ang La Tour Eiffel o Eiffel Tower sa France, na mga pinakasikat at pinakadinarayong tore sa buong mundo.
Sa isang pambihirang pagkakataon, nalibot naman ni Jay ang loob ng pinakamalaking simbahang Katoliko sa buong mundo – ang St. Peter’s Basilica sa Vatican City. Bukod sa iba’t ibang obra ng mga kilalang artist sa kasaysayan tulad ni Michelangelo, makikita rin sa loob ng basilica ang himlayan ng pinakamamahal na santo papa at ngayo’y santo na si St. John Paul II.
Pero sa kabila ng mga nakatutuwang karanasan sa pagbisita sa mga atraksyon sa Europa, nakaranas din ng aberya sina Jay. Matapos ang pag-iikot nila sa Roma, inabutan ng Motorcycle Diaries team na basag ang salamin ng kanilang service van. Lahat ng gamit kasama ang mga laptop at hardrive na naglalaman ng kanilang mga kuha sa loob ng labindalawang araw ng ekspedisyon ay nanakaw.
Sa kabila nito, hindi naman mapapantayan ang masasayang karanasan ng grupo kasama ng mga kababayan at mga bagong kaibigan na nakilala sa Europa.
Panoorin at pakinggan ang mga kuwento ng pagsubok, pagsisikap at pagpupunyagi ng ilang mga kababayan sa Motorcycle Diaries Europe Expedition ngayong Huwebes, 10:00 PM, sa GMA News TV Channel 11.
- Latest