Dementia ni Ate Guy naapektuhan ng traffic at ulan?!
MANILA, Philippines - Walang masyadong ingay ang pelikulang Dementia na nagsimulang ipalabas sa mga sinehan last Wednesday. Nakakahinayang. Bukod sa ang superstar na si Nora Aunor ang bida ng pelikula, kakaiba raw ang kuwento tungkol sa sakit na dementia na hinaluan ng katatakutan. At magagaling ang acting nilang lahat.
Or baka naman kasi wrong timing ang showing dahil wala pang suweldo, next week pa kaya hindi masyadong dinagsa ng fans.
Puwede ring nakakaapekto ang sobrang traffic na nararanasan sa buong Metro Manila. Like kahapon, konting ulan lang, baha na sa España. Pa-grabe rin ang traffic sa buong MM. Kahit hindi rush hour, nakakaloka ang kupad ng takbo ng mga sasakyan.
Wala na itong koneksyon sa Dementia, pero baka puwede rin itong pakialaman ng mga senador tulad sa ginagawa nilang imbestigasyon ngayon sa pamilya Binay?
Baka sakaling masolusyunan nila at ma-trace ang possible solution. Dahil kasi sa traffic napakinggan ko ang buong coverage ng senate investigation sa umano’y pangungurakot ni VP Binay.
Isa pang dapat ding pagtuunan ng pansin ang umano’y dumaraming member ng sinasabing nagkakalat ng kaguluhan sa Syria. Sa hirap kasi na dinaranas ng ibang mga kababayan natin, sumasali sila sa grupo na balitang P50,000 ang suweldo sa isang buwan.
Idagdag pa ang palalang krimen sa bansa.
Sa mga nangyayari pa lang sa ating kapaligiran ngayon, parang mas exciting pa sa pelikula kaya siguro nakukuntento na sila sa pagnonood ng TV kesa lumabas at gumastos sa panonood ng sine.
OMG wala itong koneksyon sa Dementia!
James Reid itinuloy ang pagkanta kahit nahulog na
Grabe kuhang-kuha sa mga naglabasang video ang pagkahulog ng young actor na si James Reid sa parang butas na design ng stage sa ginanap na Cosmo Bash the other night.
Ang gara naman kasi ng stage, may butas sa gitna. Kung sino man ang may idea nun ay dapat managot. Hindi na obviously napansin ni James kaya habang rumarampa at kumakanta, sumakto siya sa butas.
Nakatayo naman ang young actor at tinapos ang pagkanta. Namaga raw ang tuhod nito.
Mga bagong childstar ng GMA hahataw sa yagit
Ipapaalala ng GMA Network ngayong Oktubre sa bawat TV viewers ang mga masasayang karanasan ng ating kabataan kasama ang ating mga kaibigan at hihikayatin tayong lumikha pa ng mga magagandang alaala sa pamamagitan ng pinakabagong afternoon drama series na Yagit.
Ipinakikilala sa remake ng Yagit ang mga pinakabagong child wonders na sina Chlaui Malayao, Zymic Jaranilla, Judie Dela Cruz, at Jemwell Ventinilla na gaganap bilang Eliza, Ding, Jocelyn, at Tomtom, ang mga karakter na naging bahagi ng buhay ng mga Pilipino twenty years ago.
Ang gaganap sa papel ni Eliza Macabuhay ay si Chlaui Malayao, ang charming na batang babaeng nakilala sa kanyang memorable na pancit canton TV commercial. Mabilis makuha ni Chlaui ang atensyon at pagmamahal ng mga tao dahil sa kanyang mala-anghel na mukha. Dahil sa kanyang masayahing personalidad, bumabagay lalo sa kanya ang karakter ni Eliza, ang mapagmahal na anak ni Dolores Macabuhay na gagampanan ng Kapuso actress na si Yasmien Kurdi.
Ang child actor na si Zymic naman ang gaganap sa papel ni Ding Reyes, isang madiskarteng batang magiging matalik na kaibigan nina Eliza, Jocelyn, at Tomtom. Tiyak na makakalikha agad ng natatanging koneksyon si Zymic sa mga manonood dahil sa kanyang madamdaming pagganap.
Gagampanan naman ng Ate at Kuya ng mga Yagit na sina Judie at Jemwell ang mga karakter ng magkapatid at mga pinsan ni Eliza na sina Jocelyn at Tomtom Macabuhay. Si Judie ay isang mabait na batang babaeng mahilig sa pag-awit at pag-arte.
Samantala, ang magbibigay-buhay sa karakter ng malusog na batang si Tomtom ay ang bibong si Jemwell. Swak sa kanyang papel ang kanyang personalidad dahil sa kanyang comedic timing.
Magkakasamang patutunayan ng apat na batang ito kung paano maaapektuhan ng kanilang pagkakaibigan ang positibong pananaw nila sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.
Sasamahan din sila ng masayahing batang si Steph Yamut mula sa Cebu na gaganap sa papel ng English/ Tagalog at Cebuano-speaking girl na si Tiffany.
Magsisimulang mapanood ang Yagit ngayong Oktubre sa GMA Afternoon Prime.
- Latest