Kaya laging late kahit maagang gumising pamosong aktres nag-aala-electrician at naglilinis muna ng CR bago mag-taping
Maraming nakakatawang kuwento kung bakit palaging nali-late mag-report sa kanyang trabaho ang isang pamosong female personality. “Speedy Bagal” ang tawag sa kanya ng mga taong nakakasama niya sa trabaho.
Kung paggising ang pag-uusapan ay walang kumukuwestiyon sa kanya. Napakaaga niyang gumising. Responsable siya pagdating sa gisingan. Pero may problema pa rin.
Kuwento ng aming source, “Maaga nga siyang gumising, pero ikot naman siya nang ikot! Kung anu-ano ang kinukutingting niya, ‘yun ang kumakain sa oras niya!
“Iba-iba ang napagdidiskitahan niyang kalikutin, kung minsan, kakalasin niya ang amplifiers niya. pagkakalas nu’n, bubuuin naman niya. E, gaano kalaking panahon ang kinakain sa kanya ng ganu’n?
“Pagkatapos niyang gawin ‘yun, maglilinis naman siya ng banyo. Kikiskisin niya ang lahat ng pader, ang mismong sahig, ang bowl, ang lababo! Malaking oras na naman ang makukuha nu’n sa kanya!
“So, pagkatapos niyang maglinis, e, saka pa lang siya gagayak para sa taping or shooting niya. Wala na, napakalaking oras na ang nawala sa kanya, kaya by the time na umalis siya, at bibiyahe pa, late pa rin siyang dumarating sa work niya!” napapailing na komento ng aming kausap.
Laging sinisisi sa pagiging late niya ang mga taong kasa-kasama niya sa bahay, pero ano naman ang magagawa ng mga ito, kung bago magtrabaho ay gusto munang maging electrician o maid-of-cotton ng pamosong aktres?
Maaga nga siyang gumigising, pero kung anu-ano naman muna ang binubusisi niya, talagang magiging cause of delay pa rin siya palagi sa kanyang kompromiso. Wala siyang sense of time, wala rin siyang respeto sa mga kapwa niya artista, kaya ang tawag sa kanya ng mga ito kapag dumarating na siya, “Heto na si the late ____(pangalan ng magaling pa namang aktres),” na para bang sumakabilang-buhay na siya.
Scout areas kulang sa ilaw kaya lagging may nangyayaring krimen
Biyernes ng hapon, kasagsagan ng bagyo, hindi kami nakapagradyo dahil barado na ang lahat ng dinaraanan namin palabas ng Valenzuela.
Nagmo-monitor kami ng kaganapan dahil mistulang dagat at ilog na ang maraming lugar na naapektuhan ng baha nang makatanggap kami ng text message mula sa anak-anakan naming si Jhon Pamintuan, boyfriend ni Luningning, ang dancer na kagawad sa Barangay Paligsahan, Kyusi.
“Nay, ilang hakbang lang mula sa gallery n’yo, pinatay ang mommy ni Cherry Pie Picache,” malungkot na balita ni Jhon.
Maraming balita na ang naglabasan tungkol sa pagpaslang kay Mrs. Zenaida Sison, ina ng aktres, meron nang tinututukang suspect ngayon ang mga awtoridad.
Matagal nang hinihiling ng buong komunidad sa Scout area ang paglalagay ng mga ilaw sa poste, pero hanggang ngayon ay may kadiliman pa rin sa naturang lugar, sa hindi kalayuan sa bahay ng ina ni Cherry Pie ay nilooban naman ang isang computer shop ilang buwan na ang nakararaan.
Naganap ang nakawan bandang madaling-araw na nang magsarado ang shop, sandaling-sandali lang ang pangyayari, may dala nang sasakyan ang mga magnanakaw.
May mga kalye sa Scout area na may mga ilaw, pero mas marami ang madilim pa rin sa buong gabi, malakas na imbitasyon sa krimen ang kawalan ng liwanag.
Sana’y mabigyang-pansin ng mga tagapamuno ng Kyusi ang kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan hindi lang sa bandang Scout area kundi maging sa iba pang mga kalye sa bandang Roces Avenue.
May kadiliman sa mga kalye sa bandang ‘yun, napakarami pa namang lulusutan kung bibiktimahin sila ng mga riding in tandem, mababawasan ang krimen kapag may maliliwanag na ilaw sa mga poste na kakambalan pa ng paglalagay ng mga CCTV cameras.
- Latest