Juday gusto nang mabuntis bago mag-new year
Sa Lunes ay mapapanood na ang bagong season ng Bet on Your Baby sa ABS-CBN. Ayon sa host nitong si Judy Ann Santos ay malaki ang magiging pagbabago ng kanyang programa. “Daily na kami mapapanood from Mondays to Fridays every 5 p.m.,” bungad ni Judy Ann.
Hindi raw inasahan ng aktres na magbabalik kaagad sa ere ang nasabing show bago magtapos ang taon. “Supposedly next year pa kami babalik since maraming request ang mga tao at buhos din ang mga gustong sumali. Parang nakakataba ng puso na everybody is looking forward for the season 2. Kaya nandito na kami mapapanood n’yo na kami muli,” nakangiting pahayag ni Juday.
Kasama sa 15 most watched programs in the Philippines ayon sa Kantar Media ang season 1 ng Bet on You Baby.
Samantala, gusto na raw sundan ng aktres at asawang si Ryan Agoncillo ang kanilang dalawang anak. Malalaki na sina Yohan at Lucho ngayon kaya maaari na talagang muling magplanong magka-anak ng mag-asawa. “Hindi bucket list ‘yun, talagang plano ‘yon, plano talaga siya. We are hoping na sana this year,” pagtatapos ni Juday.
Devon, hindi bitter sa Ja-Dine
Masaya si Devon Seron dahil sa pagbabalik ni James Reid sa Kapamilya network. Matatandaang naging magkatambal ang dalawa simula noong nasa Pinoy Big Brother house pa lamang sila. “Siyempre happy ako kasi parang magkakakitaan na kami. Sobrang matagal na kami hindi nagkikita kasi busy kami sa kanya-kanyang work and reunion na din namin ‘yun,” bungad ni Devon.
Para sa dalaga ay sobrang laki na raw ng ipinagbago ni James partikular na sa pangangatawan ng binata. “Hunk na hunk, siyempre happy ako sa kanya kasi ‘yung health niya di ba? Kasi masyado siyang masakitin noon and ngayon sobrang maalagain na siya sa sarili niya, and marami siyang na-achieve this year,” paliwanag ni Devon.
Kung tambalang James-Devon o JaEvon ang nakilala noon ay tambalang James at Nadine Lustre o JaDine na ang sikat na sikat ngayon. Ano kaya ang reaksyon ni Devon tungkol dito? “Oo nga eh, sayang talaga pero gano’n talaga eh, but we’ll never know. Well, they complement each other talaga, morena at kano. May chemistry naman talaga. Nakikita ko sila onscreen, I am so happy for them,” giit ng aktres.
Nanghihinayang kaya si Devon na hindi siya ang katambal ni James ngayon? “Ay! Hindi naman po. Siguro for me, iniisip ko na everything happens for a reason. Lalo na ngayong sikat siya and may mga kanya-kanya na kaming career. So I am very happy, wala namang regrets,” sagot ng aktres. Ayon pa kay Devon ay wala raw namagitan sa kanila ni James noon.
Reports from JAMES C. CANTOS
- Latest