Jessy tanggap pa rin ng pamilya ni JM
Nang dumalo si Jessy Mendiola sa nakaraang birthday celebration ni JM de Guzman, akala ng marami ay nakita na nila ang balikan ng dalawa. Pero ang dating magkarelasyon pa rin ang unang naglinaw na kung may balikan man na naganap sa kanila, ito ay ang balikan nila sa pagiging magkaibigan. Pero ‘yung sabihin na magdyowa silang muli, hindi, o hindi pa.
But Jessy remains as close to JM and his family as before. Kung dati ay tanggap nila siya bilang girlfriend ni JM, ngayon ay welcome pa rin ang aktres sa kanila bilang isang kaibigan.
Hindi lamang basta dumaan sa party si Jessy. Nag-stay siya at nakipag-reminisce ng ilang oras sa kanyang ex at sa pamilya nito na lahat ay masaya dahil inabot lamang ang aktor ng isang taon sa rehab na pinagdalhan sa kanya. Ngayon ay unti-unti na nitong nababalikan ang trabahong iniwan. Hindi lamang sa mga serye sa TV siya napapanood, meron na ring mga pelikula siyang nasasamahan.
Toni natatakot kay Kris?!
Okay na ba kay Kris Aquino ‘yung sinasabing pagpalit sa trono niya ni Toni Gonzaga? Kung kilala nating lahat ang presidential sister, hindi pa ngayon niya papayagang mapalitan na siya. At mabuti na lamang at ayaw tanggapin ni Toni ang koronang ipinapasa sa kanya dahil siguradong hindi pa ito bibitawan ni Kris. Tama lang na huwag munang seryosohin ni Toni ang mga sinasabi ng tao kundi baka magkagalit pa kayo ni Kris.
Kristel masyadong nagpabongga kaya nalait
Hindi ko kasi napanood si Kristel Moreno sa TV sa coverage ng Star Magic Ball kaya hindi ako makapagbigay ng komento sa nilalait-lait na kasuotan niya. Pero maari namang dumalo ang lahat ng imbitado sa nasabing grand event nang hindi na kailangang magpatalbugan pa.
Mga artista na sila which is more than enough para makasama sila sa affair. Huwag na nilang hangaring makaungos pa sa mga kapwa artista nila.
Para hindi sila umani ng mga negatibong kritisismo.
Mga bano sa pag-arte dapat mas bigyan ng oportunidad na makapag-aral
Sayang at ‘yung mga mahuhusay pang artista ang nabibigyan ng oportunidad na makapag-aral ng acting sa magagandang iskwelahan sa abroad at sa ilalim ng mahuhusay ding coaches.
Bakit hindi ‘yung mga talagang bano sa pag-arte at ‘yung may mga potensyal na maging mahusay na artista ang papag-aralin? At saka bakit sa abroad pa eh may mga mahuhusay naman tayong acting coaches dito.
Hindi naman mas mahusay umarte ang mga banyagang artista kaysa sa mga lokal nating artista, ‘di ba?
- Latest