Cory Vidanes wagi ng CEO Excel Award
MANILA, Philippines - Pinarangalan ang ABS-CBN broadcast head na si Cory Vidanes ng Communication Excellence in Organizations (CEO Excel) Award mula sa prestihiyosong International Association of Business Communications (IABC) Philippines para sa kanyang epektibong pamumuno at mahusay na paggamit ng komunikasyon sa pamamahala ng mga programa at kampanya ng Kapamilya network.
“Sa nakalipas na 28 na taon ko sa ABS-CBN, nabigyan ako ng pagkakataon na maglingkod sa mga Pilipino. Gaya ng IABC, pinapahalagahan ko ang paggamit ng komunikasyon upang pagsilbihin ang ating mga kababayan para mas mapabuti ang kanilang kalagayan,” pahayag ni Vidanes sa kanyang acceptance speech na binasa ng ABS-CBN head of TV production na si Laurenti Dyogi sa awards night noong Huwebes (Sept 4).
Bilang broadcast head, si Vidanes ang nangangasiwa ng pagbubuo ng mga konsepto at ng produksiyon ng mga programa ng Channel 2, pati na ang mga proyektong nagbibigay ng serbisyo publiko sa mga Pilipino. Isa si Vidanes sa pinakamakapangyarihang kababaihan sa Philippine media at siyang namuno sa matagumpay na pagdiriwang ng ika-60 taon ng ABS-CBN, pati na ang kampanyang Tulong Na, Tabang Na, Tayo Na para tulungan ang mga biktima ng bagyong Yolanda.
Kasabay ng parangal na ito, tumungo si Vidanes kamakailan sa Estados Unidos upang mag-aral sa Advanced Management Program sa Harvard Business School.
Nagsimula bilang associate producer si Vidanes sa ABS-CBN noong 1986. Mabilis siyang na-promote bilang executive producer, hanggang sa siya’y hirangin bilang head ng TV entertainment division nito bago maging broadcast head.
Ang CEO Excel awards ay ang taunang parangal ng IABC Philippines na kumikilala sa top-level business leaders sa bansa na nagpapamalas ng husay at galing sa paggamit ng komunikasyon para sa pagtataguyod ng mga proyektong ikauunlad ng kanilang industriya.
- Latest