Female personality calculator ang kakambal nang ipanganak
Tawa kami nang tawa habang naglilitanya ang isang kilalang babaeng personalidad tungkol sa husay sa paghawak ng pananalapi ng isa nitong kasamahang female personality din.
Ipinanganak daw ang female personality na hindi inunan ang kakambal kundi calculator. Puwede raw mawala ang kahit anong kagamitan ng pamosong babae sa kanyang bag pero siguradong nandu’n ang kanyang calculator.
Lalo na sa kanyang pagbibiyahe sa ibang bansa, lahat ay makakalimutan niya, pero hinding-hindi niya maaaring iwanan ang kanyang mahiwagang calculator.
Kuwento ng aming source, “Bestfriend niya ang calculator, hindi siya nagtitiwala sa mga kuwento lang na mura ang bilihin sa ganito at ganyang lugar, calculator niya ang kailangang magsabi sa kanya na malaki nga ang katipiran du’n.
“Kapag may hawak na siyang product, bibilangin niya ang laman ng pack, pagaganahin na niya ang calculator para malaman niya kung magkano ang bawat isa at kung magkano ang matitipid niya du’n kesa sa pagbili ng paisa-isang piraso lang.
Sa ibang bansa, hawak-hawak niya ang calculator sa pagsi-shopping niya, kapag kumakain siya sa restaurant, kapag bumibili siya ng kahit ano lang. Iko-convert niya agad ang presyo nu’n sa peso.
“Kapag hindi siya gaanong makakatipid, hindi na lang siya bibili, sa ‘Pinas na lang niya ‘yun bibilhin dahil makadaragdag pa raw ang timbang nu’n sa bagahe niya,” humahalakhak na kuwento ng aming impormante.
Mula nu’ng dalaga pa siya hanggang ngayong meron na silang mga anak ng isang kilalang male personality ay ganu’n pa rin siya. Wala siyang gaanong kaibigan, piling-pili lang, tanging ang walang kamalay-malay lang na calculator ang mula nu’ng hanggang ngayon ay itinuturing niyang kaibigang karnal.
At may pahabol pang kuwento ang aming source, “Dahil sa kakuriputan niya, e, pinagtataguan na tuloy siya ng mister niya. May mga binibili ang asawa niya na kunwari, e , bigay o regalo lang sa kanya ng mga kaibigan.”
Ha! Ha! Ha! Ha! Ubos!
Para hindi na pag-usapan ‘pag nakakatikim ng alak John Lloyd sa bahay na lang daw naglalasing, nagpagawa ng sariling bar
Problema. Solusyon. Leksiyon. Ganu’n ang pagkakasunud-sunod ng senaryong hindi kagandahan na nakakaengkuwentro ng bawat isa sa atin. Kung may salitang problem sa diksiyunaryo ni Mr. Webster, konting lundag lang sa pagbuklat at may nakasulat du’n, solution.
Hindi lang si Billy Joe Crawford ang personalidad na pinagpistahan sa sobrang paglalasing. Hawak ni Baron Geisler ang titulo, kapag nalalasing ang aktor ay hinahamon nito ang buong mundo, war freak si Baron kapag nalalasing nang todo.
Hindi mawawala sa ating kamalayan si John Lloyd Cruz, ang kaibahan lang nila ni Baron ay tahimik ang magaling na aktor kapag wasted na, pinagtutulungan itong ihatid sa kanyang sasakyan ng mga bouncer ng bar dahil hindi na ito makagulapay.
May isang kilalang pulitiko na todo rin kung makipagtuos kay San Miguel, nakikita itong nakabalandra sa mga kalye sa probinsiyang kanyang nasasakupan, nakahiga ito at sigaw nang sigaw na parang hindi na sisikat ang araw kinabukasan.
Nagkaleksiyon na sina Baron at John Lloyd. Si Baron ay sa kanilang bahay na lang umiinom, si JLC naman ay nagpagawa ng bar sa kanyang bahay, uminom man sila nang walang humpay ay walang mga matang nakatingin sa kanilang mga galaw.
Hindi pala kayang dalhin ni Billy Joe ang kalasingan, pati presintong nananahimik ay gusto niyang pagkulungan, mas makabubuting sa susunod ay sa kanyang bahay na lang siya uminom para hindi siya pinagpipistahan at walang mga asuntong kailangan niyang daluhan sa piskalya nang dahil lang sa pag-inom na sa ulo niya inilalagay at hindi sa tiyan.
May disiplina ang pag-inom. Kapag nadodoble na ang tingin mo sa kaharap mo kahit hindi ka naman duling ay huminto ka na. Kapag ang dila mo’y nagbubuhul-buhol na kahit hindi ka naman bulol ay bitiwan mo na ang bote.
Sabi nga sa isang patalastas, drink moderately.
- Latest