Lyca crush na crush si Daniel
Noong Sabado ay napanood ng buong sambayanan ang kwento ng buhay ng The Voice Kids grand champion na si Lyca Gairanod sa Maalaala Mo Kaya. Si Lyca rin ang gumanap sa nasabing episode kaya naman lalong naramdaman ng mga manonood ang istorya ng bata. Ngayon ay gusto naman daw makasama ni Lyca sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa isang proyekto. “Gusto ko pong makatrabaho si Daniel Padilla po at si Kathryn. Crush ko po siya (Daniel),” natatawang bungad ni Lyca.
Medyo guminhawa na raw ang buhay ng pamilya ni Lyca mula nang manalo sa nasabing singing contest. “Parang umokay-okay na po, ‘di na po kami naghihirap. Minsan po namamasyal kami,” sabi ni Lyca. Plano raw ng bata na ibigay ang ibang pangangailangan ng kanyang mga kapatid dahil sa premyong natanggap. “Bibili ako ng gusto ng kapatid ko, ‘yung mga paborito nila,” pagtatapos ng bata.
Ayaw nang pakawalan Jason pakakasalan na si Vickie paglabas ng ‘bahay’
Sa Linggo ng gabi na magtatapos ang season ng Pinoy Big Brother All In Edition. Malalaman na kung sino ang tatanghaling Big Winner. Isa sa mga posibleng manalo rito ay ang kasintahan ni Jason Abalos na si Vickie Rushton. Gustung-gusto raw ng aktor na manalo sa nasabing programa ang dalaga. “Gusto ko sana, gusto ng family niya. Parang ako, gusto ko kasi maging proud siya sa sarili niya eh. Ang haba nang nilaban niya and ang haba ng mga pinagdaanan niya. Gusto ko siyempre na paglabas niya masabi niya na ‘May napatunayan ako,” pahayag ni Jason. Hindi raw kailanman hinadlangan ng aktor si Vickie sa kagustuhan nitong sumali sa PBB. “Ako kasi, lahat tayo may dream eh so siya ‘yon ‘yung gusto niyang gawin. So hindi mo pwedeng pigilan ‘yung isang tao kung ano ‘yung pangarap niya. Kung ikaw na may pangarap ka, may pipigil sa‘yo ‘di ba masakit para sa iyo ‘yun. So ako supportive lang ako,” paliwanag ni Jason.
Sabik na sabik na raw ang aktor na muling makita at makasama si Vickie. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto rin makasama ni Jason ang dalaga sa isang proyekto. “Kahit ano basta makatrabaho ko lang siya, exciting ‘yun. Ang gusto mangyari after niya diyan, uwi muna ng Bacolod kahit one week lang, sasama ako doon,” pagbabahagi ng binata.
Nakikita ni Jason na si Vickie na raw ang kanyang pakakasalan at gustong makasama habangbuhay. “Well dati pa, ako naman kasi ‘pag nasa relationship ako, gusto ko talaga siya na talaga eh. Ito gusto ko talaga si Vickie na. Kahit sino naman nag-invest ka na ng emotions, parang sino naman gusto ng palipat-lipat ka? Gusto mo talaga meron kang karelasyon siya na talaga,” giit ni Jason. Reports JAMES C. CANTOS
- Latest