Darren at JK, isisiwalat ang hirap na pinagdaanan sa The Voice Kids
MANILA, Philippines - Kahit na ang dalawang pambato ni Sarah Geronimo na sina Lyca Gairanod at Darren Espanto ang mga nanguna sa katatapos lamang na The Voice Kids, hinding-hindi raw pinagsisisihan ng second runner-up na si Juan Karlos “JK” Labajo ang pagpili niya kay Bamboo Mañalac. Matatandaang parehong napaikot ni JK sina Sarah at Bamboo sa blind auditions ngunit mas pinili nito ang rock icon.
“Gusto ko rin po si Coach Sarah kaya lang po hindi ko mahanap ‘yong genre ng music ko sa kanya. Kasi si Coach Sarah po ay nasa ballad at pop. Parang hindi po bagay sa akin. Kaya po pinili ko si Coach Bamboo kasi unang-unang po ay unique po ang boses niya,” paliwanag niya sa Tapatan Ni Tunying na mapapanood ngayon Huwebes (Agosto 14).
Ibinahagi rin ni JK na nakaka-relate siya sa buhay ng grand champion na si Lyca na katuwang ng kanyang ina sa pangangalakal ng basura.
“Parang may pagkakapareho po ‘yong kwento ng buhay namin ni Lyca kasi po noon nangangalakal din po kami. Marami pong nag-aakala na, ‘Uy mayaman yan!’ Dahil nga daw po sa mukha ko. Pero ‘di po nila alam, sa Cebu ang dami po naming utang, nangungupahan lang kami, palipat-lipat ng bahay,” kwento niya.
Ganoon pa man, nananatiling pinakamalaking dagok para kay JK ang pagpanaw ng kanyang ina limang araw bago ang audition niya sa The Voice Kids. “Wish ko nga lang po iyong heaven may visiting hours na, ‘di ba?”
Samantala, ibinahagi naman ng first runner-up na si Darren Espanto ang hindi matatawarang sakripisyo ng kanyang mga magulang para sa pagsali niya sa The Voice Kids.
Sa Alberta, Canada ipinanganak at naninirahan ang pamilya ni Darren kaya naman kinailangan nilang magpabalik-balik sa Canada at Pilipinas para sa kumpetisyon. Ayon sa ama niyang si Lyndon Espanto, ang isang round trip pa lang ay nagkakahalaga na ng CAD 1,800 o P70,000.
“Marami pong utang si mommy at daddy po eh. Marami po silang sinakripisyo. Pero si mommy at daddy po kung may gusto po akong gawin susuportahan po nila ako doon,” sabi ni Darren.
Ngayong ipagpapatuloy na ni Darren ang karera sa pag-awit sa Pilipinas, inihahanda na niya ang sarili na maging malayo sa piling ng mga magulang at kapatid.
- Latest