Indie movie ni Nova Villa mas pinilahan kaysa pelikula nina Aiko Melendez at Dennis Trillo
Pinakaunang pelikula na pinanood ko sa ginaganap na Cinemalaya X ay ang Asintado ni Louie Ignacio. Kung akala ko ay sa TV lamang at komersyal maaasahan ang bagong direktor ng pelikula at nagkamali ako. Sa ganda ng entry niya, maari pa itong manalo ng awards sa pagtatapos ng kapistahan ng pelikulang indie sa Linggo, Agosto 10. Magagaling ‘yung tatlo niyang bida, sina Aiko Melendez, Jake Vargas, at Miggs Cuaderno. Kaya naman pala umaasam na manalo ng best actress si Aiko ay talaga namang maganda ang role na ibinigay sa kanya. But I still have to see Hustisya para makita ko kung gaano kahigpit ang laban na ibibigay niya sa Superstar na si Nora Aunor. Then, I will decide.
Marami ang nanonood ng Cinemalaya, marami ang pumipila sa takilya, pero siyempre malaking laban ang ibinibigay dito ng Guardians of the Galaxy. Gusto ko ngang paghahatakin ‘yung maraming bumibili ng tiket para naman suportahan ang ating mga pelikulang local, pero hindi ko naman pwedeng gawin ito. Umaasam na lang ako na sana katulad ng marami kong nakasabay bumili ng tiket ay maengganyo din silang panoorin ang mga pelikula ng Cinemalaya na so far ‘yung unang tatlo kong napanood ay magaganda naman at nakakaaliw. Sulit ang napaka-murang tiket considering na filmfest ito.
Ang galing din ni Nova Villa na gumanap ng role ng isang babae sa 1st Ko Si 3rd na matapos mag-retiro sa trabaho ay bored sa kanyang buhay. Wala silang anak ng kanyang asawa kaya dadalawa lang sila sa kanilang katandaan. Ang pangyayaring nakatakda silang magkita ng kanyang una at greatest love sa isang high school reunion ang tanging nagpasaya at nagbigay kulay sa kanyang buhay. Kung ito ang magpapakumpleto sa kanyang buhay ang buod ng kuwento na maraming babae ang makaka-relate dahil makatotohanan at pinagdadaanan nila ito.
Reunited sila sa movie ni Freddie Webb, ang kanyang long lost love. Asawa naman niya si Dante Rivero.
R13 ang The Janitor, siguro dahil sa napaka-madugo niyang mga eksena. Malaki ang pelikula at may pangalan ang mga artista na bumubuo ng cast - Ricky Davao, Richard Gomez, Derek Ramsay, Alex Medina, Dante Rivero, Irma Adlawan, LJ Reyes, Raymond Bagatsing, Nicco Manalo at marami pa, pero si Dennis Trillo ang pinakabida at may pinakamalaking role sa pelikula dahil siya ang suspendidong pulis at kasalukuyang iniimbestigahan pa. Siya rin ang naatasan na pumatay sa lahat ng suspect na involved sa isang bank robbery/massacre. Lumabas na naman ang galing sa pag-arte ng Kapuso actor. Magaling ding aktor ang anak ni Jose Manalo, nakakaawa siya sa kanyang mga torture scenes. Pero si Derek Ramsay, after ng maraming sexy love scenes niya sa pinakahuli niyang movie, ay kontrabida sa pelikula. ‘Di ko lang alam kung paanong sa laki niyang ‘yun ay natalo siya sa bakbakan nila ni Dennis. Ang ganda ng execution ni Mike Tuviera ng pelikula niya na pinalakpakan nang todo matapos ang screening.
Kumpara sa Asintado at The Janitor, mas puno ang sinehan ng 1st Ko Si 3rd at dinig mo ang malakas na tawanan ng mga manonood sa mga pinaggagagawa ni Nova Villa sa pelikula. Pero sigurado ako pipik-ap ang dalawa pa at ibang entry ng Cinemalaya na sana next time ay ipapanood na rin ng mga nagpapatakbo ng mga sinehan ng SM bilang tulong sa industriya ng lokal na pelikula,
Ogie ayaw makigulo sa mga pulitiko
Ang daming artista na qualified at mas may karapatan sumama sa gobyerno at maging pulitiko, pero unfortunately ayaw nila. Mas gusto nilang tumulong bilang mga pribadong mamamayan at ipamahala na lamang ang paglilingkod sa bayan sa iba. Unfortunately again, ang maraming ito na inaasahan nila at natin ay hindi nagpi-perform ng maganda.
Kasama sa unang binanggit ang singer/songwriter na si Ogie Alcasid. Ang asawa ni Regine Velasquez ang pangulo ngayon ng OPM at nagpapalaganap ng Pinoy music. Isa rin siya sa kinuha ng Kapatid Network para tumulong sa music department nito. Akala ng lahat ay gagawin niyang tuntungan ang ginawa niyang pangangampanya nun kay P-Noy para siya magkaro’n din ng political career, pero sinabi niyang “Ayoko ng buhay sa pulitika. Kawawa ang pamilya ko. Nakakatulong naman ako sa sarili kong pamamaraan”. Sa halip, sumanib siya sa TV5 para makatulong. Suportado niya ang move ng network na mas ituon ang mga palabas nila sa sports, comedy, at game shows. Dito sila pumapatok. Ipamamahala na lamang nila sa mga kalabang networks ang labanan sa mga teleserye. Wala nga naman silang pool of talents at kailangang manghiram pa sila ng artista sa mga ginagawa nilang serye. Nakakalungkot lang na nakatali na sa dalawang malaking networks ang maraming artista at kung aasa sila sa nga winners ng kanilang mga talent and artista search, kakapusin talaga sila.
May nakatakdang konsyerto si Ogie na layuning mangalap ng pondo na magagamit sa pagpapalaganap ng nasyonalismo sa pamamagitan ng OPM. Mapapanood ang Throwback Thursday with Ogie A sa Agosto 28 sa Music Museum.
Aga may trauma pa sa pulitika
ABS-CBN is welcoming Aga Muhlach with open arms. Katunayan, may pelikula sila para rito, kapartner ni Lea Salonga. Kaya nga panay ang pagpapayat ng aktor na kasalukuyang nagbabakasyon sa Indonesia, kasama si Charlene Gonzales at ang kambal nilang sina Atasha at Andres. Gusto rin ng aktor na magka-teleserye at sigurado ako na gusto rin ng Kapamilya Network lalo’t ang aktor na ang nagpiprisinta. Mukhang na-trauma nang husto si Aga nung pumasok siya ng pulitika kaya hinding-hindi na niya ito babalikan.
Tamad na housemate maraming fans
Ayaw ko ‘yung feeling na pinagkakaisahan ng mga young housemates na mapalabas ng Bahay ni Kuya ang mga mas nakakatanda sa kanilang housemates. I bet ang mga susunod na mapapalabas ay sina Vicky Rushton at Jane Oineza at ang matitira na lamang ay sina Loisa Andalio, Joshua Garcia, Maris Racal na siya namang bubuo ng Big 4 ng PBB All In kasama si Manolo Pedrosa na hindi pa mapapalabas. Between sa kanila ni Daniel Matsunaga, mas malaki ang chance ng Brazilian Japanese hunk na ma-evict. I feel mas karapat dapat masama sa Big 4 sina Maris, Vicky, Manolo, at si Loisa, pero mapapasok at mapapasok si Joshua, kahit ano pang pagboto ang gawin ng mga texters. Mukhang paborito ng programa ang tamad na housemate.
- Latest