Pati si Bea Binene maraming Kapuso talent gustong lumipat sa ABS-CBN
May exodus na nga ba ng Kapuso artist sa Kapamilya Network?
Wala pang kasiguruhan ito, at parang nabanggit lang ng dating handler ni Jolina Magdangal na baka raw makita na rin ito sa Kapamilya Network. Hindi na ito pagtatakhan dahil orihinal namang Kapamilya si Jolina bago siya naging Kapuso. Ang parang pinagtatakhan ng marami ay ang pangyayaring parang may exodus ng mga GMA artists sa ABS-CBN. Marami sa kanila ang nakikitang naggi-guest sa mga programa ng Dos gayung dati ay bawal na bawal nilang gawin ito. Tulad ni JayR na hindi lamang solong napapanood sa mga programa ng Kapamilya, nagkasama pa sila ni Kyla sa Kris TV na gumawa ng ingay dahil alam naman ng lahat na alaga ng GMA si Kyla. May isang panahon na pinagtapat sila ni Nina, si Nina para sa Dos at si Kyla naman sa Siete. Pero ang mas nakakagulat ay ang balitang pati raw si Bea Binene ay nagbabalak ding pumakabilang bakod? Paano ang love team nila ni Jake Vargas? Ano ang mangyayari sa kanyang kapareha na balitang very much smitten sa nakababatang kapareha? Katunayan, nagpa-tattoo pa ito ng pangalan ni Bea?
Kung magkakaroon ng katuparan ang mga nasabing balita ang siyang pakaaabangan ng marami ngayon, dahil hindi lang nag-iisang Kapuso artist ang involved, marami sila kaya nagtataka ang marami kung bakit parang sabay-sabay silang nagiging restless at naghahanap ng bagong matutuluyan. Bakit nga kaya?
Patrick ‘di dapat kalimutang may anak kay Jennylyn
Sana hindi makaapekto sa anak niya kay Jennylyn Mercado ang nakatakdang pagpapakasal ni Patrick Garcia sa non-showbiz girlfriend niya. Okay na sila ngayon ng aktres dahil ang nakapagpapabalik lamang sa kanilang hidwaan ay kung mapabayaan ni Patrick si Alex Jazz, at ang maasikaso na lamang ay ang magiging bago niyang pamilya. Sana sa halip na makalimot sa pinagdaanan nila ng panganay niya ay maging mas bonded pa silang mag-ama ngayong may anak na siyang iba at posibleng madagdagan pa dahil nga mag-aasawa na siya. Hindi naman kinakailangan ng panganay niya ng buong atensyon ni Patrick. Kailangan lamang nito na maramdaman na mahalaga siya sa kanyang ama tulad ng pagiging mahalaga niya sa kanyang ina na itinuturing siyang pinakamahalagang bahagi ng buhay nito.
AiAi ginawa ang lahat para maging best actress
Talagang pinangangatawanan ni AiAi delas Alas ang pagpapaganda ng kanyang indie film at maging ng performance niya rito. Very open ang komedyante sa pagsasabi na talagang puntirya niya ang best actress award. Kaya nga pati paggawa ng mga sexy scenes ay sumabak na siya makumpleto lang ang rekado ng Ronda na nakatakdang mapanood sa Cinemalaya Film Festival.
“Best actress na lang sa isang indie film ang hindi ko napapanalunan. Kaya nag-i-effort ako na hindi magpatawa at sumabak sa matitinding eksenang drama. Gusto kong makita ng hurado na pwede rin akong dramatic actress,” pag-amin ng komedyante na pati aksyon ay sinubok din sa tinulungan niyang maprodyus na indie film.
- Latest