Miguel hindi natatakot kay Piolo!
Hindi mo naman sasabihin na may yabang ang 15 taong gulang na si Miguel Tanfelix dahil isang malaking Kapamilya actor ang itinapat sa serye niyang Niño. Nagkataon namang nagtapos na ang kalaban niyang programa at isang bagong serye ang kapalit nito na nagtatampok hindi lamang sa isang Piolo Pascual kundi sa apat pang pinakamagagaling na child actor ng ABS-CBN, sina Zaijian Jaranilla, Xyriel Manabat, Andrea Brillantes at ang bagong si Yesha Camille.
Napakabago pa ng Hawak Kamay para masabi kung dapat nang kabahan ang gumaganap na Niño sa TV. Wala sa loob niya ang malaking kumpetisyon sa pagitan ng kinabibilangan niyang Kapuso Network at ng ABS-CBN. Mas nakatuon siya sa pangyayaring baka mawala siya sa pukos at maiba ang pagganap niya sa mentally challenged na si Niño na habang tumatagal ay lalong minamahal ng mga manonood dahilan nga sa napakagandang family values na inihahatid nito.
“Para nga akong sira dahil kahit wala akong ginagawa at nag-iisa lang, ay praktis ako nang praktis ng role ko. Nung una ay pinagtatawanan ako ng mga pinsan ko na ginagawa kong audience. Siguro dahil nababaliwan sila sa ginagawa ko, pero hindi na ngayon. Nasanay na sila at parang nakakalimutan nga nila na ako si Miguel at hindi si Nino,” kuwento ni Miguel na bukod sa nagiging isang mahusay na artista habang nagtatagal ang serye ay lalong gumugwapo habang nagbibinata.
May girlfriend na ba siya?
“Wala po. Maski nga po crush wala pa, pero nagagandahan ako sa kapareha ko (Bianca Umali) at inirereto ko pa siya sa iba, kahit kami ang bini-build-up na magka-love team ng GMA,” pagtatapat ng batang aktor na humihiling na sana ay hindi mapatid ang closeness na bumibigkis sa kanilang dalawa.
Tungkol sa kumpetisyon na kinakaharap ng programa niya ngayon, hindi ba siya natatakot?
“Ano po ba ang dapat kong isipin? Good luck na rin sa kanila. Na sana magpatuloy ang pagsuporta ng manonood sa Niño at mas mapagaling ko pa ang pagganap kong Niño. Effort talaga ang maging Nino. Nadadala ko na ito hindi lamang sa pag-uwi ko ng bahay kundi maging sa pang-araw-araw kong buhay. Nasasanay na ang pamilya ko kay Niño. Naiintindihan nila kung bakit minsan weird ako,” pag-amin niya.
Super Sireyna… nakakadagdag respeto
Maganda ‘yung naisip ng Eat Bulaga na pagdaraos ng contest para sa mga beki na hindi lamang mga Pilipino kundi maging taga- ibang bansa rin. Bagaman at marami ang mas magaganda sa kanya, nanalo si Miss Sahhara ng Nigeria bilang Super Sireyna Worldwide. Pumunta ng London si Miss Sahhara dahil hindi tanggap at ipinagbabawal sa kanyang bansa ang pagiging bakla. May kabuhayan siguro ang pamilya niya dahil ipinagpapatuloy niya ang kanyang pagdu-doktor sa London na kung saan ay miyembro siya ng grupo ng mga taong may kasarian bukod sa pagiging babae at lalaki.
Pero kung maganda ang naging pagsubaybay ng manonood sa Super Sireyna Worldwide, maganda hanggang ngayong nasa Season 2 na ang pakontes naman ng It’s Showtime na Stars on 45. Nakaka-enjoy ‘yung makakita ng mga may edad na, na kumakanta pa at sumasayaw at nagpapakitang hindi lamang sila alagain ng kanilang pamilya kundi mahalagang bahagi pa rin sila ng lipunan.
Heart hindi kayang tapatan ang galit ni Alessandra
Hindi nahihiya si Heart Evangelista na aminin sa lahat na hindi pa nagpo-propose sa kanya ang boyfriend niyang senador na si Chiz Escudero. Sa Kris TV ay hindi siya nahiyang sabihin na siya pa ang nagtatanong at nangungulit sa boyfriend niya kung kailan magaganap ang proposal nito na sinabi nitong baka sa taong ito at ang kasal nila ay baka mangyari sa 2015. Biruin mo ‘yon!
Ang maganda sa aktres, prangka at direkta kung sagutin niya ang mga tanong sa kanya, kasama na ang tungkol sa love life niya, at ang hindi niya nakayang gawing mga maseselang eksena sa Trophy Wife na aniya ay naipagkatiwalang lahat kay Cristine Reyes na siya namang umaayaw na rin na gumawang muli ng mga ganung eksena sa susunod niyang mga proyekto.
Isa na lamang marahil ang kailangang harapin ni Heart, at ito ay ang galit sa kanya ni Alessandra de Rossi dahil sa ginawa niyang pagbubulgar sa relasyon nito at ni Sid Lucero.
- Latest