DZMM mag-iikot para sa kanilang 28th Anniversary
MANILA, Philippines - Hatid ng DZMM Radyo Patrol Sais Trenta ang sari-saring papremyo at serbisyo bilang pagdiriwang ng ika-28 na anibersaryo nito at pasasalamat sa walang sawang pagsuporta at pagtitiwala ng publiko sa nangungunang AM radio station sa Mega Manila.
Hanggang Hulyo 31, araw-araw na mamimigay ang DZMM ng transistor radio, T-shirt, ABS-CBNmobile SIM card, at appliances sa dalawang winners na maaring mapanalunan sa pamamagitan ng pagte-text habang nakikinig o pag-abang sa Radyo Patrol reporters sa mga MRT at LRT stations, terminal, eskwelahan, plaza, palengke, at kalsada sa kanilang pagroronda sa buong Metro Manila.
Abangan lang ang Radyo sa Beinte Otso question of the day sa paboritong DZMM program at i-text ang DZMM<space>REACT<space>PANGALAN, ADDRESS, AT SAGOT sa 2366. May pagkakataon ring makakuha ng selfie kasama ang paboritong DZMM anchors dahil personal nilang iaabot ang mga papremyo.
Patuloy din ang paghahatid ng DZMM ng serbisyo publiko na pinangungunahan ng DZMM Dugong Alay, Dugtong Buhay, isang bloodletting project na ginanap noong Biyernes (Hulyo 11) sa ABS-CBN Center Road sa Quezon City, Brokenshire College sa Davao City, Bicol Medical Center Auditorium sa Naga City, Marymart Mall Center 2 sa Iloilo City, at People’s Park sa Baguio City.
Bukod dito, isasagawa rin ngayong July 14 ang Teaching Learning Caring ng DZMM sa Antipolo, Rizal para bigyan ng libreng serbisyong medikal ang higit sa 1,000 na taong may kapansanan.
Kasabay ng pagdiriwang ng DZMM ng anibersaryo nito ay ang patuloy nitong paghahari sa buong Mega Manila, ayon sa pinakahuling radio listenership survey ng Kantar Media.
Para sa buwan ng Mayo, nakakuha ang DZMM ng 30% na average audience share para sa lahat ng time blocks.
- Latest