Sa pagmamadali papuntang kasalan, Zsa Zsa nakalimutang magdala ng ‘heels’ kaya naka-tsinelas lang
Kumare ko na sina Zsa Zsa Padilla, Coney Reyes, at Charo Santos-Concio dahil kami ang mga ninang sa kasal nina Linggit Tan at Rommel Marasigan.
Mga ninong naman sina Edgar Mortiz, Eugenio Lopez III, Freddie Garcia, at Mayor Gaudioso Manalo.
Si Linggit ang ABS-CBN executive na ikinasal kahapon kay Rommel. Ginanap ang kanilang Christian wedding sa Christian Gospel Center na malapit sa Sto. Domingo Church sa Quezon Avenue, Quezon City.
Kumare rin namin si Batangas Governor Vilma Santos pero hindi ito nakarating dahil kahapon din ang birthday ng kanyang mother-in-law.
As usual, early bird ako sa venue ng kasal nina Linggit at Rommel na nagdiwang din kahapon ng kanilang 1st wedding anniversary dahil una silang ikinasal sa isang civil wedding noong 2013 sa Lobo, Batangas.
Hindi nakakainip ang wedding ceremony dahil mabilis ito.
Nakakaiyak ang speech ni Linggit na tagos sa puso. Type ko ang tradisyon nila na pagbibigay ng regalo sa kanilang mga mahal sa buhay bilang pasasalamat.
Hindi nakasali sa wedding march si Zsa Zsa Padilla pero umabot siya sa event. Sa pagmamadali ni Zsa Zsa, hindi na siya nakapasuot ng sapatos as in pareho kami na tsinelas lamang ang suot.
Bilib na bilib ako kay Zsa Zsa dahil memoryado niya ang mga wedding song na inawit nina Richard Poon, Toni Gonzaga, at Sam Milby.
Nakisabay si Zsa Zsa sa pagkanta ni Toni ng In His Time at sa rendition ni Sam ng God Will Make a Way.
Gandang-ganda ako sa boses ni Richard Poon na kumanta ng I Wanna Grow Old With You pero hindi ko ine-expect na mahusay rin pala na kumanta si Sam.
Si Sam ang unang lumapit sa akin at nagbeso dahil halos magkatabi ang aming mga upuan.
Nakita ko rin sa Christian Gospel Center si Richard Yap at ang misis nito. Naroroon din si G. Toengi at ang kanyang American husband.
Kahit puyat, Zsa Zsa nagniningning ang ganda!
Kami ni Zsa Zsa ang magkatabi sa upuan. Blooming na blooming si Zsa Zsa. Hindi maipagkakaila na in love siya sa kanyang boyfriend na si Conrad Onglao.
Alas-kuwatro na nang madaling araw nang makauwi si Zsa Zsa sa bahay niya dahil nanggaling siya sa taping ng Dyesebel. Walang-wala sa hitsura ni Zsa Zsa na puyat siya dahil ang ganda-ganda niya. Hindi sila nagkakalayo ni Mama Charing na magandang-maganda rin at very regal sa gown na kanyang suot.
Mga bossing ng magkalabang network tsika-tsika sa kasalan ni Linggit
Nang matapos ang wedding ceremony, nag-almusal ang mga bisita sa basement ng Christian Gospel Center.
Nagustuhan ko ang taho at lumpia na handa. Hindi ko natikman ang vegetarian pao dahil nabusog na ako sa lumpia.
Ginanap ang wedding reception nina Linggit at Rommel sa beach house nila sa Lobo, Batangas. Hindi na ako pumunta sa reception dahil bukod sa malayo ang venue, may Startalk kahapon at naintindihan naman ng bagong kasal ang sitwasyon ko.
Nagkita-kita sa simbahan at breakfast ang mga executive ng ABS-CBN at GMA 7. Napakaliit ng mundo ng television industry kaya magkakakilala at magkakaibigan ang lahat, kesehodang konektado sila sa mga magkakaribal na TV network.
- Latest