Atom, susubukang makaligtas sa spray modus ng mga taxi
MANILA, Philippines - Talamak na modus ngayon sa mga taxi ang pag-spray ng nakahihilong kemikal sa mga pasahero para manakawan ang mga ito. Paano nga ba makaliligtas sa ganitong sitwasyon?
Mismong si Atom Araullo ang sasagot niyan sa simulation na kanyang gagawin para sa Red Alert ngayong Biyernes (May 30) kung saan susubukan niyang langhapin at labanan ang naturang kemikal habang nasa loob ng taxi. Kayanin kaya ni Atom o tuluyan siyang mahilo at mawalan ng malay?
Kasabay ng pagbibigay ni Atom ng safety tips mula sa kanyang karanasan at mula sa mga eksperto, ibabahagi naman nina Alyanna at Consuela ang kanilang sinapit sa kamay ng mapansamantalang taxi drivers.
Hindi makalimutan ni Alyanna ang gabi nang siya’y biglang mahilo at manghina matapos makaamoy ng kakaiba sa kanyang sinakyang taxi. Mabuti na lang, nakauwi siya nang ligtas kumpara kay Consuela, na ‘di lamang nanakawan kung hindi nabugbog at muntik pang magahasa.
Bukod riyan, ibabahagi rin ni Atom sa episode ang iba’t ibang techniques para makaligtas kung sakaling ikaw ay maging biktima ng holdap sa sinasakyang FX.
- Latest