OTJ pumatok din sa US, isa pang Hollywood actor pinag-iinteresang gawin
Palabas sa maraming sinehan sa Amerika ang isang pelikulang Pilipino na idinirek ni Erik Matti at nagtatampok kina Piolo Pascual, Gerald Anderson, at Joel Torre, ang On the Job o OTJ. Sa pelikula ring ito nanalo ng best actor sa South Korea si Joel sa isang international film festival na sinalihan nito.
Kung dati ay si Tom Cruise lamang ang nagkainteres na gawin ang On the Job sa Hollywood at interesado siyang gampanan ang role ni Piolo, ngayon maging si Mark Wahlberg ay gusto na rin daw gumawa ng movie na base sa kuwento ng OTJ. Maganda ang feedback ng lahat nang nakakapanood ng pelikula. Maganda rin ang mga review nito na lumabas sa New York Times at Los Angeles Times.
Samantala, ang Alagwa na tinampukan naman ni Jericho Rosales at siya rin mismo ang nagprodyus ay nakalibot na sa maraming film festival dito sa bansa at maging sa abroad. Pinaka-latest na sinalihan nito ay ang Guam Film Festival na nabigyan pa ng parangal ito bilang best narrative at best actor si Jericho. Sayang at wala sa awards night si Echo para tanggapin ang kanyang award.
Sa Oktubre 9 ay magkakaro’n ng local screeÂning sa mga sinehan natin ang Alagwa. Nagtatampok din kay Bugoy Cariño na ayon sa actor-producer ay siya lamang batang artista ang makapagbibigay ng performance na hinihingi ng pelikula. Hindi siya nagkamali, nanalong best child actor si Bugoy para sa Alagwa.
Cinemalaya films mapapanood uli sa QC filmfest
Masayang marinig na magkakaro’n din ng isang film festival sa Lungsod ng Quezon na pinamumunuan ang tandem nina Herbert Bautista at Joy Belmonte bilang mayor and vice mayor, respectively.
Magsisimula na sa araw na ito ang QCinema 2013: Quezon City Film Festival at tatagal ito ng hanggang bukas lamang. Magsisilbing executive director ng event si Prof. Eduardo Lejano ng UP Film Institute.
Tatlong pelikula ang tampok sa QCinema na nanalo sa isang paligsahan na ginanap sa Quezon City para sa mga filmmaker na dito naninirahan. Ito ang Hello World ni John Elbert Ferrer, Lucas Nino ni John Torres at Gaydar ni Alvin Yapan. Bawat pelikula ay tumanggap ng P800,000 kapital mula sa QCFF. Kasabay ng tatlong pelikula ay ipalalabas ang ilang pelikula na itinampok sa Independent Cinemalaya Film Festival: Transit, David F, Nuwebe, Purok 7, Debosyon, Rekorder, Diplomat Hotel, Babagwa, at Quick Change.
- Latest