Ryan tuloy na sa paglipat
Nagulat kami sa nalamang co-producer ang GMA Network, Inc. sa pelikula ni Ryan Agoncillo na Ano ang Kulay ng mga Nakalimutang Pangarap, written and directed by Joey Reyes at kasama sa Sineng Pambansa National Film Festival All Masters Edition. Nagbigay din ng grant movie ang Film Development Council of the Philippines.
Heto pa, sa GMA Network din gagawin ang special screening na dadaluhan ni Direk Joey at posibleng dumating din si Ryan na kalalabas lang ng hospital after ma-confine ng ilang araw dahil sa dengue.
Ibig bang sabihin nito, tuloy na ang pagbabalik ni Ryan sa GMA after mag-expire ang kontrata sa TV5? Malapit na nating malaman ang sagot sa tanong na ito dahil this week ang meeting ng kampo ng TV host-actor sa network.
Sa Sept. 9 ang premiere night ng Ano ang Kulay..., at showing mula Sept. 11-17 exclusive sa SM cinemas. First time makakasama ni Ryan si Rustica Carpio.
Kris 9 months naburo
Nag-enjoy si Kris Bernal sa pictorial nila ni Aljur Abrenica para sa soap nilang Prinsesa ng Buhay Ko dahil maraming bagong poses ang ipinagawa sa kanila. Natuwa rin ang aktres nang pagamitin siya ng korona at nag-feeling prinsesa, kulang na lang naka-princess gown siya.
Nine months palang hindi gumawa ng soap si Kris kaya aminadong nanibago siya nang simulan ni Direk Dondon Santos ang taping. Pero excited at masaya siya na finally, may soap na uli siyang susubaybayan ng kanyang fans. Nakatulong din na nag-workshop siya habang naghihintay ng project.
Alam ni Kris na si Sarah Lahbati ang original choice na leading lady for the said project at nagpapasalamat siya na siya ang final choice.
Sa Sept. 23, bago ang 24 Oras, magsisimulang mapanood ang Prinsesa ng Buhay Ko na sabi ni Kris ay isang rom-com at magbibigay ng pag-asa sa viewers.
Binoy tsutsugiin dahil sa cut-off ni David?
Sobrang hyper ni David Remo, ang batang gumaganap na si Binoy sa Binoy Henyo, takbo nang takbo kaya hindi na-interview ng press na dumalaw sa taping nang pinagbibidahang soap. Nang maiupo sa harap namin, ang likot ng mga mata at gustong kumawala sa kinauupuan, kaya pinabayaan na naming maglaro.
Hindi rin naman nito masasagot ang tanong ng press kundi ba siya nalulungkot na malapit nang magtapos ang Binoy Henyo at kung totoong isa sa mga rason ay dahil sa cut-off niya sa taping. Na hindi pumapayag ang kampo niya na lumampas kahit ilang minuto lang ang oras na itinakda sa taping niya.
Nadiskubre pala namin na, in real life, bawal din kay David na kumain ng junk foods kaya hindi mahirap sa kanya ang eksenang bawal siya sa sitsirya. Bawal din sa bagets ang uminom ng softdrinks pero nakalusot ito that time. Konti lang naman at walang dapat ipag-alala ang parents niya.
- Latest