Magkakagrupo, susunod na susubukin sa Minute to Win It
MANILA, Philippines - Magkakadugo ang susunod na susuong sa tila madadaÂling challenges ng family edition ng Kapamilya top-rating game show na Minute to Win It Head to Head Challenge simula Lunes (SetÂyembre 2).
Garantisadong family bonding moments ang dala ng mas pinaÂlaking edisyon kung saan dalawang koponan ng apat na magkakapamilya ang magsasagupaan sa 60-second circle.
Pabilisan ang dalawang pamilya sa limang challenges na may katumbas na P5,000, P10,000, P15,000, P25,000, at P50,000 na maiuuwi nila kapag sila ang naunang matapos nito.
Ang pamilya namang makakaipon ng mas malaking halaga ang siguradong maglalaro para sa jackpot round na binubuo ng iisang ultimate challenge worth P1 milyon.
Sabay-sabay na gagawin ng apat na miyembro ng pamilya ang ultimate jackpot challenge na ito kaya’t mas maiging determinasyon at husay ang dapat na ipamalas nila.
Kapag iisa lang sa kanila ang nakagawa ng challenge, mag-uuwi sila ng P100,000; kapag dalawa, P250,000; kapag tatlo, P500,000; at kapag nakumpleto nilang apat ay P1 milyon.
Sa unang episode ng Minute to Win It Family Challenge, nagtapatan sina Tirso Cruz III kasama ang mga anak niyang sina Bodie, Djanin, at pamangkin na si Christopher laban kina Rez Cortez, asawang si Candy, at mga anak na sina Cai at Xavier.
Samantala, abangan din sa susunod na episodes ang iba’t ibang sagupaan ng dalawang grupong may tig-aapat na miyembro na magkakabarkada, magkakabanda, magkakatrabaho, at iba’t ibang uri ng grupo sa mas pinalaki at mas pinatinding Head to Head Challenge ng Minute to Win It.
Mapapanood ito mula Lunes hanggang Biyernes, 11a.m. sa ABS-CBN.
- Latest