Heart nagsalita nang tapos, hindi matutulad kay Claudine!
Grabe ang lakas ng ulan noong Sabado. Mabuti na lang, maaga akong nagpunta sa studio ng Startalk kaya hindi ko nakita ang pagbaha sa Quezon City.
Nalaman ko lang na bumaha sa maraming lugar sa Metro Manila dahil kay Heart Evangelista. Si Heart ang co-host namin sa Startalk noong Sabado at siya ang nagkuwento sa amin na tila dagat ang kanyang tinawid para makarating sa GMA 7 studio.
Naniniwala ako na in love na in love si Heart sa kanyang boyfriend na si Sen. Chiz Escudero. Nagsalita si Heart sa segment namin sa Startalk na never silang mag-aaway o maghihiwalay ni Papa Chiz dahil tungkol sa paghihiwalay nina Claudine Barretto at Raymart Santiago ang aming topic. Sa tono ng boses ni Heart, si Papa Chiz na ang makakasama niya forever and ever.
LT hindi nagkamali nang mag-Burgos
Baka masundan ang indie movie ni Lorna Tolentino dahil positive ang mga feedback sa kanyang indie movie, ang Burgos.
Pinupuri ang acting ni Lorna sa indie movie tungkol sa paghahanap ni Mrs. Edita Burgos sa kanyang missing activist son na si Jonas. Hanggang ngayon, hindi pa natatagpuan si Jonas mula nang dukutin ito ng mga militar noong 2007.
Hindi nagkamali si LT na tanggapin ang project ni Joel Lamangan. Ang husay, husay niya bilang Mrs. Burgos na aminadong fan ni LT. Natuwa si Mrs. Burgos nang malaman niya na si LT ang gaganp sa kanyang karakter. Hindi tumitigil si Mrs. Burgos sa paghahanap sa kanyang anak. Nakatulong ang Burgos para hindi makalimutan ng media at ng publiko ang kaso ng pagkawala ni Jonas.
Vilmanians konti na lang ang titiisin sa mga sinehan
Sandali na lang ang ipaghihintay ng Vilmanians dahil ipalalabas sa nationwide theaters sa Aug.14 ang Ekstra, ang unang indie movie ni Batangas Gov. Vilma Santos.
Malayo ang Cultural Center of the Philippines (CCP) at Ayala Cinemas para sa ibang Vilmanians kaya hindi nila napanood ang Ekstra. Nakuntento na lamang sila sa pagbabasa sa good reviews sa bagong pelikula ni Mama Vi.
Ang Star Cinema ang distributor sa mga sinehan ng Ekstra. Tuwang-tuwa ang Vilmanians dahil mabibigyan sila ng pagkakataon na mapanood ang pelikula na umaani ng good reviews mula sa film critics at ordinary moviegoers.
- Latest