Gus iimbestigahan ang iba’t ibang kasong pagpaslang sa mga menor de edad
MANILA, Philippines - Patuloy ang pakikipaglaban ni Gus Abelgas para sa katotohanan at katarungan ngayong buong buwan ng Agosto sa SOCO kung saan sisiyasatin niya ang iba’t ibang kaso ng pagkakapatay sa mga biktimang karaniwan ay menor de edad.
Ngayong Sabado (Agosto 3), unang iimbestigahan ng SOCO ang kaso ng 16 taong gulang na nursing student na si Keith Ballesteros na pinatay umano ng kanyang kasintahan sa mismong boarding house niya.
Sa Agosto 10, babalikan ang kontrobersiyal na pagkakapatay sa Sangguniang Kabataan chairman na si Jason Infante, na pinagsasaksak ng mga tambay sa tindahan matapos lamang kumustahin ng biktima.
Ang magpinsang sina Diana Rose, 15 anyos, at Joana Marie, 9 anyos naman ang sentro ng episode sa Agosto 17. Suspek sa krimen ang kapitbahay nilang si Gilbert na matagal na umanong kursunada si Diana Rose. Natagpuang tadtad ng saksak ang magpinsan at nakalilis ang damit.
Samantala, inggit naman ang motibo sa kasong susuriin ni Gus sa Agosto 24. Pinatay daw ang 82-anyos na si Armando CariÂngal matapos itong manalo ng mahigit kalahating milyon sa casino. Pinatay din ng dalawang suspek sa krimen ang pamangking mag-asawa ni Armando na sina Vincent at Cesline.
At sa Agosto 31, itatampok ang kalunus-lunos na sinapit ng 5 taong gulang na si Andrei Cabuhat mula umano sa kanyang mga magulang. Ipinasailalim sa otopsiya ang bangkay ni Andrei at natuklasan sa medico-legal report na namatay ito dahil sa labis na pambubugbog kung kaya’t bumigay na ang katawan nito.
Huwag palampasin ang SOCO: Scene of the Crime Operatives buong buwan ng Agosto tuwing Sabado, pagkatapos ng Showbiz Inside Report sa ABS-CBN.
- Latest