Sikat na aktor matapobre sa mga biyenan, halos hindi mabati kapag dumadalaw sa anak
Ayon sa isang reliable source, nagkukuwento pala sa kanya ang kanyang kaibigang babae tungkol sa sikat na aktor na kanyang manugang. Mayaman ang aktor at nanggaling naman ang kanilang pamilya sa middle class na level lang. Ang kanyang anak na babae ang napangasawa ng sikat at mayamang aktor.
‘‘Kapag dumadalaw kami sa kanilang bahay para dalawin ang aking anak at mga apo ay tahimik lang ito at ni hindi marunong magbigay galang na lumapit man lang at magmano. Dedma lang na parang walang nakita. Malamig ang pakikitungo niya sa amin ng kanyang father-in-law.
“Ni minsan kahit niyayaya kami ng aking anak na magpalipas ng gabi sa kanila ay hindi namin napagbibigyan dahil sa naninimbang kami sa asawa niyang aktor. Dun kami sa iba naming manugang natutulog para magpalipas ng gabi,’’ paliwanag ng biyenang babae tungkol sa aktor.
Idinagdag pa nito na mahirap din pala na hindi ka-level ang mapapangasawa ng anak dahil iba ang ugali nito. Super yaman kasi ng aktor na iginagalang din ang angkan.
Kim pinakikinggan ng ahas
Nakausap namin si Kim Rodriguez na set visit ng Kakambal ni Eliana kung saan siya ang bida na may kakambal na ahas. Nakapag-bonding na sila ng ginagamit na ahas at kilala na siya nito.
Anang Kim, ‘‘Kilala na ako ng ahas at nakakatuwa nga dahil pakiramdam ko ay nakikinig siya sa akin kapag may sinasabi si Direk kung paano namin gagawin ang eksena.
“Wala ito sa mood minsan lalo na kapag nagpapalit ng balat pero may ka-double itong ahas.’’
Malapit na ring magtapos ang Kakambal ni Eliana at sinabi ng young actress na mami-miss niya ang kasa-kasamang ahas na napamahal na sa kanya.
Hindi takot si Kim sa ahas kaya hindi ito nagdalawang-isip na tanggapin ang proyekto kahit makakasama niya si Naja (ang pinaka-bidang ahas) at iba pang ahas.
Sa Agosto 14 ay magseselebreyt na siya ng birthday at 19 years old na si Kim. Idaraos daw niya ang kaarawan sa Boys Town. Taun-taon ay doon niya idinaraos ang birthday.
- Latest