Buhay ni Lacson nang magtago gagawan ng pelikula
Hindi pa man naipalalabas ang Coming Soon dahil sa April 17 pa ang showing nito, inihahanda na ng Fearless Productions at Brown Sugar Entertainment ang next movie nila.
May pamagat na Ten Thousand Hours ang pelikula, action-drama ito na tungkol sa buhay ng isang police officer, naging politician, at naging fugitive. Nang sabihin naming parang buhay ni Sen. Panfilo Lacson ang pelikula, sabi ni Neil Arce, hindi bioflick ng senador ang ginawa nila, inspired lang at kaya gano’n ang title dahil ’yun ang number ng hours na nagtago si Sen. Lacson.
Ito ’yung movie na sinabi nina Neil at Ronald Singson to be directed by Bb. Joyce Bernal at pagbibidahan ni Robin Padilla.
Naikuwento na ni Robin ang tungkol dito pero, that time, hindi pa niya tinukoy kung sino ang producer at director.
Sa June raw sisimulan ang shooting ng Ten Thousand Hours pero wala pang playdate. Hindi pa rin kompleto ang cast, ang sinabi lang ni Neil, kasama ang GF niyang si Bela Padilla at ang ibang cast pa ng Coming Soon.
Sabi ng mga producer, kahit hindi nila mabawi ang P6.7M production cost basta matawa lang ang manonood ng Coming Soon at kung papalarin ay manalo ng awards ang cast members ay masaya na sila. Gusto lang nilang makatulong sa local movie industry.
Aktres kumpirmado, nagpagalaw ng mukha
Sabi na nga ba’t may ipinaayos ang isang aktres sa kanyang mukha kaya mas gumanda ito ngayon kesa dati. Natanong ang aktres tungkol dito dati pero tigas na tanggi ang sagot niya. Natuto lang daw siyang mag-ayos at binago ang hairstyle niya at ibinagay sa hugis ng mukha niya.
Kaya lang, napatunayan ng press na totoo nga ang kanilang inisip na pagpapaayos niya ng buhok nang maimbitahan ang mga reporter sa opening ng branch ng isang surgicenter sa labas ng Metro Manila.
Sa nasabing okasyon, may mga tarpaulin ng endorsers ng surgicenter kabilang ang aktres at ang ini-endorse niya ay ang Natural Noselift at may before and after the nose lift pictures pa niya na kasama sa tarpaulin.
Kasama rin sa treatment ng surgicenter ang pagpapaputi at parang dumaan din sa prosesong ito ang aktres dahil hindi lang siya mas gumanda, mas kuminis at pumuti pa.
Steel bars sa SM lang ipapalabas
Tuwang-tuwa si Cesar Apolinario, isa sa dalawang directors ng Dance of the Steel Bars dahil may mahabang writeup ang movie sa Washington Post. Hindi lang namin na-check kung kailan lumabas ang nasabing writeup pero mahaba at may synopsis ng story at major characters ng movie.
Nabanggit sa artikulo sina Patrick Bergin, Joey Paras, at Dingdong Dantes sa major cast.
Ang Dubai-based Portfolio Films ang producer ng pelikula na ang isa pang direktor ay si Marnie Manicad, misis ni Jiggy Manicad. Sa June 12 ang kanilang playdate na ang unang balita ay exclusive lang ito sa SM Cinemas.
Carla relate na relate sa pagiging starlet
Natuwa ang press kay Carla Humphries sa sinabi sa presscon ng Coming Soon na naka-relate siya sa role niya sa movie bilang si Dana na isang starlet. Kulang na lang sabihin nitong starlet siya.
Biggest movie ito ng aktres dahil dati ay small role ang ibinibigay sa kanya at minsan special participation lang siya. Sa pelikulang ito, isa siya sa mga bida at sabi ng mga producer ay ibang klaseng Carla na ang mapapanood at tiyak na mapapansin ang husay niya sa malaking indie film na ito.
Ayon pa kay Carla, nakapaglaro siya sa kanyang role at ipinakita niya kung ano ang mga pinagdadaanan ng mga starlet. Isa pang nagustuhan niya sa kanyang role ay naipakita niya ang kanyang kikay side.
May VIP screening ang movie sa April 15, sa Greenbelt, Makati City.
Sa opening ng movie sa April 17, pupunta ang buong cast sa Ayala Mall sa Cebu para sa special screening din doon.
- Latest