Kulang sa timpla ang Fighting Chefs
Kumbaga sa putahe, kumpleto sa rekado ang Fighting Chefs, ang pinaÂkabagong hain ng nagbabalik-pelikula na si Ronnie Ricketts.
Merong aksyon, merong comedy. Binudburan pa ng romance.
Espesyal ang Fighting Chefs para kay Ronnie. Hindi lang siya ang bida rito, siya rin ang nagdirek at sumulat ng istorya.
Maganda ang tema ng pelikula. Isang grupo ng mga tagapagluto na pinangungunahan ni Master Chef (Ronnie) ang nagpapatakbo ng magkakatabing restaurants. Maganda ang kita ng mga restaurant at maayos ang kanilang samahan.
Nagsimula ang sigalot nang magpasiya si Don Manolo (Mark Gil), ang may-ari ng building kung saan nakapwesto ang mga kainan, na magtatayo siya ng mga condominium sa naturang lugar. Binigyan ni Don Manolo ng tatlong buwan ang mga nangungupahan upang lumipat.
Dahil balisa na mawalan ng trabaho ang kanyang mga kasama, umiral ang sisihan at iringan sa grupo ni Master Chef. Nadagdagan pa ang problema nang guluhin sila ng mga alipores ng kapatid ni Don Manolo na si Gerry (Roi Vinzon) na kating-kati nang mapaalis ang mga chef.
Paano malulusutan nina Master Chef ang matinding problema na kanilang hinaharap?
Kung bakbakan ang inyong hanap, umaatikabo ito sa Fighting Chefs. Action star si Ronnie at siyempre gusto niyang ipakita ang kanyang gilas sa martial arts. Pero huwag ninyong asahan na mamilipit sa katatawa. Pilit na pilit ang humor ng pelikula at dinaan na lang sa pakengkoy na hindi naman nakakatuwa at gamit na gamit na.
Naiintindihan ko ang pagsingit sa isang eksena kung saan dinakip ng mga ahente ng Optical Media Board (OMB) ang isang waiter na naglalako ng pirated na DVD copy. Bilang pinuno ng OMB, nais ni Ronnie na itampok ang kampanya para sa intellectual property rights.
Ang medyo asiwa ay ang lantarang endorsement para sa isang tatak ng medyas na itinataguyod ni Ronnie.
Ang akala ko’y magpapakitang gilas si Chef Boy Logro sa pagluto ng kakaibang putahe ngunit ang ginawa lang niya ay magtadtad ng gulay at gumamit ng pepper mill bilang isang sandata laban sa mga kalaban ng grupo. Sumikat si Chef Boy sa TV dahil natural siyang komedyante pero hindi ito lumitaw sa Fighting Chefs.
Isang malaking tropa ang binuo ng Ronnie Rickets para sa pelikula, kasama na rito sina Hero AngeÂles, Vandolph, Jeffrey Santos, Joross Gamboa, Onyok Velasco, at ang kanyang anak na si Marella. Pero para silang mga trumpong kangkarot na hindi malaman ang patutunguhan.
Siguro kung itinuon na lang ni Ronnie ang kanyang pokus sa pag-arte at pinabayaan na lang ang direksiyon at pagsulat sa iba ay naging mas masarap ang timpla ng Fighting Chefs.
- Latest