Aktres may taktika para hindi mawalan ng trabaho
Nakakatuwa ang taktika ng isang aktres para hindi mawalan ng show. Kapag malapit nang mag-expire ang short-term contract niya sa network kung saan siya nakakontrata ngayon, magpapaalam para lumipat sa ibang network.
Natural na pipigilan ang aktres dahil prized talent siya ng kanyang network at para hindi na nito maisipang umalis sa network niya ngayon, sunud-sunod ang project na pawang magaganda at lagi pa siyang isa sa mga bida.
In fairness, may offer naman talaga sa aktres ang isang major network, kaya hindi ito nagsisinungaling na gusto siyang kunin. Pero habang hindi pa siya ready na pakawalan ng home network niya at kung maganda naman ang projects niya at talent fee, bakit pa nga naman nito gugustuhing magtrabaho sa iba?
Coco at Julia magkasundo dahil sa kanilang mga lola
Nakausap namin si Coco Martin sa TV ad shoot nila ni Cong. Sonny Angara at isa sa mga sinabi nitong rason kung bakit pumayag ang aktor na mag-endorse ng kandidato for the first time ay ang concern ng congressman sa senior citizens ng bansa. Relate na relate si Coco rito dahil mahal na mahal ang lola niyang si Matilde Nacianceno, 74 years old na siyang nagpalaki sa kanya mula ng 9 years old siya.
Si Cong. Sonny na tumatakbong senador ang nasa likod ng Expanded Senior Citizens Act of 2010 na nagbibigay ng dagdag na benepisyo sa senior citizens.
Nabanggit pa ni Coco na kaya sila magkasundo ng leading lady niya sa Star Cinema’s A Moment in Time na si Julia Montes dahil pareho silang alaga ng kani-kanyang mga lola at parehong minamahal ang mga ito. Sa February 13, ang showing ng Valentine’s Day movie.
Andrea hindi pinatos ni Mikael
Hindi sinagot ni Andrea Torres ang tanong ng press na kaya hindi sila nagka-developan ni Mikael Daez, kapareha niya sa Sana ay Ikaw na Nga dahil taken na ang aktor.
Ang sabi lang ni Andrea, from day one, klaro na sa kanila ni Mikael na love team lang sila at gagawin nila ang lahat para mag-work ang tambalan nila na tinanggap nga ng viewers.
Willing ang dalawa na muling magtambal dahil naging magkaibigan nga sila at komportable na sa isa’t isa. Sa Friday na ang ending ng SAINN at hindi malilimutan ni Andrea na marami siyang iniluha sa serye ng GMA 7 lalo na sa weeks na patapos na sila.
Inaayos ni Andrea ang kanyang schedule para madala ang ina at kapatid sa Hong Kong bilang treat. Lagi raw niyang kasama ang mom niya sa taping at hindi na nito naaalagaan ng husto ang ate niya. Para makabawi sa dalawa’y, pupunta silang tatlo sa Hong Kong.
My Lady Boss hindi pa tapos
Marami pala ang cast ng My Lady Boss nina Richard Gutierrez at Marian Rivera dahil kasama rin nila sina Sandy Andolong, Jackielou Blanco, Pinky Amador, Maricel Laxa-Pangilinan, Dion Ignacio, Rocco Nacino, Matet de Leon, Regine Tolentino, Sef Cadayona, Ruru Madrid, at Ronaldo Valdez among others.
Sa nabasang press release, mukhang interesting ang role ni Rocco bilang another Brand Manager na kakompitensya ni Evelyn (MaÂrian) at naninira sa kanya sa boss nilang si Lorna (Maricel).
Wala pang playdate ang pelikula sa direction ni Jade Castro dahil hindi pa tapos ang shooting.
- Latest