Matapos magwagi sa MMFF Kapatid stars Nora Aunor, Cesar Montano bibida na sa Never Say...
MANILA, Philippines - Nagkamit ng parangal ang mga Kapatid star na sina Nora Aunor at Cesar Montano sa nakaraang ika-38 Metro Manila Flm Festival (MMFF) nitong Disyembre 27 sa Meralco Theater. Itinanghal na Best Actress ang Superstar para sa pelikulang Thy Womb habang Best Supporting Actor naman si Buboy para sa El Presidente.
Ikawalong Best Actress award na ni La Aunor sa MMFF ang naturang trophy habang ikalimang Festival trophy naman ito ni Cesar.
Talaga naman buhay na buhay pa rin ang kagustuhan ng Superstar na makaganap sa pelikulang tunay na maipagmamalaki niya. Sa kanyang acceptance speech, pabirong sinabi ni Ate Guy na patuloy pa rin siyang gagawa ng makabukuhang pelikula kahit pa limang tao na lang ang makanood ng pelikula niya.
Ilang international film festival na rin ang nilahukan ng pelikulang idinirehe ng Cannes-winning director na si Brillante Mendoza. Sa nakaraang Venice Film Festival kung saan nominado rin si La Aunor bilang Best Actress, pinagkalooban ng Bisato d’Oro Award ang Superstar mula sa Premio Della Critica Indipendiente, isang lupon ng independent film critics sa Italya. Wagi rin ng Best Actress si Ate Guy sa 2012 Asia Pacific Screen Awards sa Brisbane, Australia nitong Nobyembre. Nominado rin siya sa ika-55 Asia Pacific Film Festival sa Macau nitong Disyembre.
Samantala, pangungunahan ng dalawang Festival winners ang powerhouse cast ng bagong serye ng TV5 na Never Say Goodbye kasama ang Artista Academy winners na sina Vin Abrenica at Sophie Albert, Alice Dixson at Gardo Versoza. Puspusan na ang paghahanda sa naturang serye. Kinunan pa ang mga eksena sa bulubundukin ng Benguet, kaya naman itinuturing ang nasabing proyekto bilang pinakamalaking drama series ng Kapatid Network sa unang bahagi ng 2013.
Gagampanan ng Superstar ang karakter ni Martha, ang babaeng magpapaibig kay Javier (Cesar Montano) at Dindo (Gardo Versoza).
- Latest