Ang kalbaryo ng Thy Womb!
Matindi ang ingay ang nilikha ng Thy Womb sa 38th Metro Manila Film Festival (MMFF). Sa pagpili pa lang ng pelikula bilang kalahok sa filmfest, may ugong na. Hindi kasi ito agad nahirang bilang isa sa walong entries; naisingit lang nang umatras ang mga producer ng Mga Kuwento Ni Lola Basyang.
Isang special committee ang binuo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang pumili ng ipapalit sa Lola Basyang. Tatlong films ang pinagpilian ng committee: Tuhog, My Prince, at Thy Womb.
Nanaig ang Thy Womb, at si MMDA Chairman Francis Tolentino mismo ang nagsabi na makadadagdag sa prestige ng filmfest ang pagpasok ng pelikula ng Brillante Mendoza.
Kung tutuusin, malaki ang kalamangan ng Thy Womb sa mga karibal nito sa MMFF dahil nagkamal na ito ng isangkatutak na award at nominasyon sa international film festivals. Ang pinakamalaki ay ang natamo ni Nora Aunor at ni Mendoza sa Venice Film Festival at Asia-Pacific Screen Awards.
Gaya nang inaasahan, namitas ng premyo ang Thy Womb sa MMFF. Pito ang inuwi nitong tropeo, kabilang na ang best actress para kay Nora at best director para kay Brillante.
Ang malaking katanungan: Pumatok ba ang Thy Womb sa takilya? Ang sagot: Madiin na hindi.
Bumandera ang Sisterakas, na humakot ng P39 million sa unang araw pa lang ng festival. Kulelat ang Thy Womb, na hindi man lang umabot ng P1 million.
Dahil nilalangaw ang pelikula, nagpasiya ang mga theater owner na i-pull out ang Thy Womb at palitan ng mas kikitang pelikula.
Marami ang nag-alburoto sa pag-pull out ng Thy Womb. Hindi raw makatarungan. Nilapastangan daw ang sining ng cinema. Sukdulan ang galit ni Direktor Tikoy Aguiluz. Hinikayat ang Noranians na lusubin ang awards night.
Inamin ng Direk Brillante na disappointed siya sa nangyari pero wala siyang hinanakit. Batid niya noong una pa lang na hindi bebenta ang Thy Womb. Ang mahalaga sa kanya ay nabigyan siya ng pagkakataon na magtanghal sa masa ng isang pelikula na hindi mainstream o komersiyal.
Alternative film ang tawag ni Brillante sa Thy Womb. Ginawa niya ito hindi para kumita kundi dahil nais niyang gumawa ng obrang kakaiba sa karaniwang ipinalalabas ng mga mainstream producers na madaling ibenta sa mga manonood. Para kay Brillante, hindi dapat naaliw lang ang manonood; dapat ay namumulat din ito sa mga reyalidad sa kanyang kapaligiran. Hindi lahat nang nangyayari sa mundo ay may happy ending. Talamak ang kamalian, ang katiwalian, ang kalagiman, mga paksang inilahad ni Brillante sa mga nauna niyang pelikula tulad ng Kinatay, Serbis, at Captive.
Ang mundo ng Thy Womb ay isang liblib na nayon na Tawi-Tawi: payak at napaliligiran ng dagat. Doon ay comadrona si Shaleha (Nora). Sa haba nang pagsasama nila ng asawang si Bangas-an (Bembol Roco) ay hindi sila nagkasupling. Sa isang lugar kung saan naglipana ang mga paslit, isang malaking kakulangan sa isang mag-asawa ang hindi mabiyayaan ng anak.
Dama ito ni Shaleha, kaya pursigido siyang ihanap ng pangalawang asawa si Bangas-an, na pinapayagan sa kulturang Muslim. Matagal din bago sila makakita ng pamilyang sang-ayon na ipakasal ang anak na babae. Malaki ang dote o dowry na hinihingi para kay Mersila (Lovi Poe), kaya napilitan sina Shaleha at Bangas-an na ipagbili ang motor na kanilang bangka.
Plantsado na ang kasunduan, ngunit may huling hiling si Mersila kay Bangas-an bago ituloy ang kasal. At sa desisyon ng Bangas-an nakasalalay kung may kabuluhan ang lahat ng sakripisyo ni Shaleha para sa maybahay.
Sa Thy Womb, ipinasilip ni Direk Brillante sa manonood ang isang lugar na dukha man ay mayaman sa kultura at tradisyon. Isang mundo ito na hindi nalalayo sa panganib (sinamsam ng mga pirata ang mga isdang huli nina Shaleha at Bangas-an, at nabulabog ang isang kasalan nang umalingawngaw ang mga putok at nagsulputan ang mga sundalo).
Ngunit higit na gusto ni Brillante na ipakilala sa manonood si Shaleha, isang babaeng handang suungin ang lahat para sa kapakanan ng maybahay. Tanggap niya na may ibang kasiping ang asawa at tutulungan pa niyang isilang ni Mersila ang anak ni Bangas-an.
Si Shaleha ang babaeng martir, at tanging si Nora Aunor lang ang maaaring magbigay-buhay sa kanya. Sa mga mata pa lang ay mababakas na ang hirap, pagod, saya at pag-aalinlangan na pinagdaraanan ni Shaleha.
Tatlong dekada na ang nakaraan mula nang makamit ni Nora ang best actress trophy sa MMFF para sa Himala, na ngayon ay tinitingala bilang isang klasik na pelikulang Pilipino. Sa Thy Womb, pinatunayan ng aktres na wala siyang kakupas-kupas!
- Latest