^

PSN Showbiz

Lost command nangibabaw sa Shake…

SINE SILIP - Fort Yerro - Pilipino Star Ngayon

Panata na ni Lily Monteverde ng Regal Films ang maghain ng Shake Rattle & Roll tuwing sasapit ang Metro Manila Film Festival. Parang hindi kumpleto ang filmfest kung walang kasaling SR&R. Hindi malayo na uma­bot tayo sa SR&R 50.

Malakas kasi ang hila ng horror. Gusto ng manonood na ginugulantang, pinatitili o tinatayuan ng balahibo. Primal fear ang ginigising ng horror film.

Iba’t ibang impakto ang gumagala sa mundo ng horror film. Kasama na rito ang aswang, multo, manananggal, bampira, zombie, at tiyanak. Meron ding mga hayop na mula sa ibang planeta.

Ang sinaunang horror films ay maituturing na mga morality play. Ang mga impakto ang tumatayo bilang kampon ng kasamaan, at nagagapi sila ng mga pwersa ng kabutihan bago mag-ending. Pero nagbago na ang tak­bo ng horror genre. Naging mas malakas at mas mahirap sugpuin ang mga impakto. At kadalasan ay sila pa ang nananaig.

Kinailangan ang ilang sequel upang mapatay si Freddy Krueger at Jason. At sa halip na kamuhian ay nagkaroon pa sila ng fan clubs.

Sa Pinoy movies, hindi na uubra ang simpleng dasal upang talunin ang isang maligno. Tila immune na rin sa bawang ang karamihan sa mga alagad ng kadiliman.

Horror pa rin ang tema ng ika-14 na bersiyon ng Shake Rattle & Roll pero nagbago ng stratehiya si Mother Lily. Dati’y isang director bawat kuwento. Sa SR&R 14, ang batikang si Chito Rono ang nagdirek ng lahat ng tatlong kuwento.

Sa Pamana, ang pambungad na episode, du­malaw ang ilang kamag-anak (Janice de Be­len, Herbert Bautista atbp) ng isang yumaong manunulat sa komiks sa kanyang bahay upang hanapin ang kanyang ihinabilin sa kanila. Hinalughog nila ang bawat silid ngunit walang kayamanan. Sa halip ay naki­paghabulan sila sa mga impakto na galing sa komiks ng manunulat – isang lalaki na parang hiniram kay Dracula ang kasuotan, isang babaing super ang haba ang buhok, at isang cute ngunit may sa demonyong batang mahilig maglaro.

May halong katatawanan ang Pamana dahil halos mag-umpugan ang mga kamag-anak sa takot.

Sa Lost Command, isang Army platoon na kinabibilangan ni Dennis Trillo at Paulo Avelino ang inatasang hanapin ang mga kapwa sundalo na naglaho sa kagubatan. Bahagya pa lang silang nakauusad nang tamba­ngan sila ng kakaibang kalaban. Hindi ito NPA, MILF, o terorista, kundi mga sundalong naging zombie at lumalapa ng tao.

Nabihag ang mga kawal at pinapili ng lider ng mga sundalong zombie na si Roi Vinzon – sumapi sa kanila o maging pulutan.

Sa Unwanted, nagkatotoo ang hula na magkakaroon ng apokalipto noong Disyembre 21. Kabilang sa mga nakaligtas ang magkasintahang Vhong Navarro at Lovi Poe na na-trap sa gumuhong Mall of Asia.

Umigting ang suspense nang matuklasan nilang napasok ang gusali ng mga hayop na taga-ibang planeta. Umaatikabo ang habulan, at isa-isang napatay ang mga survivors hanggang sa ang natira ay ang magkasinta­han.

Salamat sa computer graphics, mas realistic ang mga impakto at ma­ganda ang special effects sa tatlong episode ng SR&R 14. Angat na a­ngat sa isang SR&R episode ilang taon na ang nakalipas kung saan ni­lamon ng Christmas tree si John Lapus.

Lost Command ang nangingibabaw sa tatlong kuwento ng SR&R 14. Mas malalim ang istorya nito kaysa dalawang episode at mukhang tinutukan nang husto ni Direk Rono.

Pinakamababaw naman ang Unwanted. Paulit-ulit na lang kasi ang kuwento ng aliens na umaalipin sa sangkatauhan.

 

 

AMP

CHITO RONO

DENNIS TRILLO

DIREK RONO

FREDDY KRUEGER

HERBERT BAUTISTA

ISANG

SHAKE RATTLE

SHY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with