Myx Mo! 2012 ipinagdiriwang ang musikang pinoy
MANILA, Philippines - Dinagsaan ng tinatayang 20,000 katao, ang MYX MO! 2012 ay patunay na buhay na buhay ang musikang Pilipino. Ginanap sa Marikina Sports Park ang music event na sinimulan ni Rico Blanco na gumanap bilang ang kanyang alter ego na si Fiesto Bandido.
Pinagsama-sama ng MYX MO! 2012 ang ilang malalaking pangalan ng industriya tulad nina Yeng Constantino, Sponge Cola, Erik Santos, Callalily, Slapshock, Urbandub, 6cyclemind, Young JV, Chicosci, Ebe Dancel, Pinoy rock icons The Dawn at Wolfgang, at Ely Buendia na tumugtog kasama ang bandang Pupil at nagpakilala ng kanyang bagong bandang The Oktaves.
Magkasama ring umawit sa unang pagkakataon pagkalipas ng ilang taon ang former singers ng Freestyle na si Top Suzara at Jinky Vidal. Nagpakitang-gilas din sa Flip Top sina Loonie at Abra ng i-rap nila ang kanilang mga numero unong hits sa MYX. Tinapos ng Kamikazee ang masayang gabi sa pamamagitan ng isang eksplosibong performance.
Sa gitna ng mga naglalakihang pangalan sa industriya, nag-perform ang 25-taong gulang na musician na si Volts Vallejo, ang napili sa MYX MOment, isang online search na inilunsad lamang ngayong taon. Inawit niya ang Ayaw Mo, Ayaw Ko na isinulat niya para sa kanyang MYX MOment audition video.
Sina VJ Luis Manzano, Chino Liu-Pio, at Nikki Gil kasama ang MYX VJ Search 2012 winners na sina K.A. Antonio, Michael Mariano, at Michelle Ng ang nag-host ng concert at nagbigay ng walang-patid na spiels para sa libu-libong netizens sa livestreaming na naganap sa www.myxph.com.
Nagbigay pasasalamat ang MYX channel head na si Andre Allan Alvarez: “Maraming salamat sa lahat ng dumalo sa Marikina Sports Park at sa lahat ng nanood sa myxph.com. Labis po kaming natutuwa sa suportang ibinibigay sa amin ng fans at artists taun-taon.”
Panoorin ang MYX MO! 2012 sa mga araw na ito: Dec. 25, 7:00-9:00 p.m. para sa unang bahagi, Dec. 26, 7:00-9:00 p.m. para sa ikalawang bahagi at Dec. 27, 7:00-9:00 p.m. para sa ikatlong bahagi, Dec. 29, 6:00 p.m.-12:00 a.m., Dec. 31, 10:00 p.m.-4:00 a.m. at Jan. 1, 10:00 a.m.-4:00 p.m.
- Latest