Down to Mars mabilis umeksena
MANILA, Philippines - Natatangi sa interpop music group ang Down to Mars dahil, kahit magkakaiba ang mga lahi ng kanilang mga miyembro, pare-pareho silang may dugong Pilipino na nananalaytay sa kanilang mga ugat.
At mabilis ang pag-eksena sa lokal na industriya ng musika ang Down to Mars na binuo ng choreographer na si Geleen Eugenio na siya ring tumulong sa paglulunsad ng sumikat na Universal Motion Dancers may ilang taon na ang nakakaraan. Dalawang taon pa lang ang grupo pero nakapaglabas na sila ng self-titled na debut album na ang isa sa mga kanta, ang Nandito Lang Ako, ay ginamit na theme song para sa GMA 7 Koreanovela na Smiling Dong Hae.
Ipinamamahagi ng PolyEast Records ang album na kinabibilangan ng My Everything, Oh! Oh! Here We Are, at Fly, Fool’s Paradise.
Bumubuo sa boygroup na ito sina Kenji Chua, Jang Seung Rhi, Daisuke Hagihara, Yheen Valero, Kiro Rivera, Sky Young, at Jeongwon Won. Madalas silang makita sa Party Pilipinas ng Kapuso Network. Pawang mga Pilipino sila pero meron silang mga dugong Hapones, Intsik, at Koreano.
Dahil may dugong Pinoy din sila at may kaisipang Pinoy, naging naiiba ang Down to Mars sa maraming K-pop groups na kasalukuyang naglilipana.
Napili rin ang Down to Mars bilang endorser ng Chef Noodle, ang pinakabagong Korean franchise sa local food industry.
- Latest