Paglaya sa Tanikala, gustong baguhin ang mga batang palaboy
MANILA, Philippines - Isang madamdaming 75-minute film ang pagbibidahan ni Matteo Gudicelli, ang Paglaya sa Tanikala (Freedom from Chains), kung saan ay napasabak sa drama ang Kapamilya actor.
Ginagampanan ni Matteo ang dalawang karakter — Bro. Jerry at St. Jerome. Umikot ang istorya nang makasalubong ang isang street kid na nagngangalang Berto (Micko Laurente) na sanay suminghot ng glue o rugby. Ngunit nang makilala niya sa kalye ang Somascan Brother na si Jerry, nakakita ng pag-asa at masisilungan ang bata sa bahay-ampunan na tinatawag na Casa Miani. Sa kabila ng lahat, masusubukan pa rin ang katatagan ni Berto dahil malakas ang tawag ng buhay ng mga kabataan sa kalye.
Ang Paglaya sa Tanikala na idinirek ni Michael Angelo Dagñalan ay selebrasyon ng ika-500 taong komemorasyon ni St. Jerome Emiliani sa pagkakawala niya sa mga kadena ng pagpapahirap sa tulong ng Mahal na Birhen. Bilang isang batang military officer, nahuli at sinaktan ng mga sumakop na German si St. Jerome noong 16th century.
Dahil sa mga pangyayari ay nabuo ang Somascan Congregation na may mga eskuwelahan, bahay-ampunan, at seminaryo sa buong mundo. At dito rin nakakuha ng inspirasyon na bawasan ang mga batang kalye. Kaya naman naisipan ding i-produce ng mga Somascan Father sa Pilipinas ang pagbuo ng pelikula ng Paglaya sa Tanikala na sumasalamin sa buhay ni St. Jerome.
Hangad ng director, ng production, at ni Matteo na maging wake-up call ang indie film sa lumalalang problema sa droga ng mga batang palaboy. Kasama rin sa pelikula sina Kristoffer King at Jaime Fabregas. Kasali ang pelikula sa New Wave section ng Metro Manila Film Festival at palabas pa hanggang bukas, Dec. 24, sa Glorietta Cinemas sa Makati City.
- Latest