Bagong koleksiyon ng Christmas Short Films mapapanood sa GMA
MANILA, Philippines - Muling inihahandog ng GMA Network ang isang bagong koleksiyon ng mga maiiksi ngunit nakakaantig na mga pelikulang sumasalamin sa iba’t ibang kaganapan tuwing Kapaskuhan.
Sa ika-pitong taon nito, ang taunang film festival na kinikilala bilang GMA Christmas Short Films ay magkakaroon ng isang special screening sa Dec. 23, Linggo, sa Sunday Night Box Office ng GMA 7 ng 10:30 p.m., gayon din sa Reel Time sa GMA News TV ng 8:45 p.m.
Ang apat na pelikula na kinatatampukan ng iba’t ibang Kapuso stars ay mapapanood din tuwing commercial break sa dalawang nabanggit na channel.
Sa unang pelikulang Love is Blind, ipinapakita ang samahan ng isang nanay at ng kanyang anak, at paano nila ipinaparamdam ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng mga munting bagay. Mapapanood dito sina Rio Locsin at Kristine Velasco.
Isang nanay ang gagawin ang lahat para lamang mapanatiling matatag ang kanilang pamilya sa kabila ng pagkakaroon ng asawang Overseas Filipino Worker (OFW) at habang unti-unting nagkakalayo ng loob ang kanyang mga anak. Kaya naman, muli niyang dadalhin ang kanyang mga anak sa isang espesyal na lugar na may malaking bahagi sa kanilang pagkabata. Ipapamalas ni Sid Lucero ang kanyang husay sa pag-arte sa Memory Lane.
Sa Homecoming, masayang inaabangan ng isang batang lalaki ang pagbabalik ng kaniyang tatay galing ibang bansa. Kasama sina Raymond Bagatsing, Miggs Cuaderno, at Ayen Laurel, alamin kung paano magbibigay-daan ang isang malungkot na balita sa isang ’di-malilimutang ala-ala sa nasabing maiksing pelikula.
Samantala, pangungunahan nina Ramon Bautista, Pancho Magno, at Andrea Torres ang nakakatawa at nakakakilig na Christmas love story na Ligaw. Dito ay susubukan ni Ramon na makuha ang loob ng kanyang pinaka-aasam ng dalaga (na ginagampanan ni Andrea) ngunit isang sorpresa ang nag-aabang sa kanya.
Ang GMA Christmas Short Films festival ay pinangungunahan ng GMA Marketing and Productions, Inc. (GMPI) na siya ring nasa likod ng award-winning short films na Hating Kapatid at Kabisera na parehong kinilala sa Araw Values Awards. Ang Hating Kapatid ay kinilala rin internationally sa 2012 Ad Stars Festival.
Kasama ng GMPI sa pagdiriwang ng isang makabuluhang Kapaskuhan ngayong taon ang Del Monte, KFC, Alaska, at Cebuana Lhuillier.
Ang mga pelikula ay mula sa direksiyon nina Raul Jorolan, Topel Lee, Joel Ruiz, at Marla Ancheta, at mapapanood online sa www.gmanetwork.com/shortfilmsyear7.
- Latest