El Presidente halos tatlong oras
Magta-tatlong oras pala ang El Presidente. Ayaw itong paputulan ng mga prodyuser at baka masira ang kabuuan ng pelikula. Kaya ’yung mga manonood nito ay kinakailangang manatili sa kanilang upuan ng mas matagal. Sigurado namang hindi sila maiinip. Baka nga makulangan pa sila. Sa rami ng mga artista ng pelikula ay hindi na nila mapapansin ang kahabaan nito.
Maganda ang pagkakagawa ni director Mark Meily na ginamitan ng Dolby Digital Sound at Technicolor sa Thailand.
Dalawa ang theme song ng pelikula, ang isa ay komposisyon ni apl.de.ap ng Black Eyed Peas at kinanta ni apl.de.ap mismo at ang Aking Inang Bayan na kinanta naman ni Pagsanjan Mayor Maita Ejercito.
Walang tangka na baguhin ang kasaysayan ng bansa sa pelikula. Gusto lang ng Scenema Concept na makagawa ng isang historical film may mataas na kalibre ng entertainment at matapat sa tunay na pangyayari. Kahit makagastos pa sila ng napakalaki.
Ex ni Sen. Koko Pimentel gustong makigulo sa showbiz
Sakali mang pasukin ni ex-Bb. Pilipinas-Universe at ex-wife rin ni Sen. Koko Pimentel ang pag-aartista na pinaplano niyang gawin soon ay magiging isa siyang malaking asset sa industriya. Kahit hindi pa alam kung kakayanin niyang umarte, obvious na puwedeng-puwede siyang mag-host ng isang talk show o anumang palabas sa TV dahil sa angkin niyang ganda, talino, at galing sa pagsasalita at pagkakaroon ng isang napakagandang PR.
Nabigyan ang Philippine Movie Press Club (PMPC) ng pagkakataon na makilala si Jewel Mae Lobotan nang puntahan namin siya para karolingin sa kanyang bahay sa San Lorenzo Village sa Makati City. Bago pa lamang nilang natitirhan ang bahay na wala namang bakas ng pagiging bago dahil ayos na ayos na ito at naghihintay na lamang ng araw ng birthday ni Jesus Christ.
In between sa pagpapakilala niya ng kanyang sarili sa mga usisero kong mga kapatid sa panulat at kasamahan sa PMPC, ikinuwento niya ang naging paghihiwalay nila ng asawa niyang isa nang senador at ama ng dalawang anak niyang lalaki na katulad niya, nilang mag-asawa, ay naging very gracious sa amin.
Mahigit 11 taon silang nagsama ng senador pero nauwi sila sa hiwalayan hindi dahilan sa pagkakaroon ng third party na gaya nang nababalita kundi nagmaliw na ang pag-ibig sa pagitan nila ni Koko dahil sa kawalan nila ng panahon sa isa’t isa.
Inamin ng maganda pa ring ginang na, “Walang involved na iba sa paghihiwalay namin. Mayroon lang talagang marriages na hindi nagtatagumpay. At bagama’t ako ang nasisisi, wala akong kasalanan. Madali namang na-settle ang tungkol sa mga bata dahil magkaibigan pa rin naman kami. We found out we’re better off as friends than husband and wife.
“Wala rin kaming problema sa mga bata,” paliwanag ng dating misis ng senador.
’Yung tungkol naman sa gender issue na ibinibintang sa senador, sinabi niyang, “Wala akong maaaring masabi. I respect him.”
Hindi rin niya itinanggi na meron siyang mga manliligaw sa ngayon tulad ng isang lalaking katulad niya ay nasa proseso rin ng pagkuha ng annulment.
Katulad ng kanyang asawa ay gusto rin sana niyang pasukin ang pulitika, ang pagtakbo sa partylist para sa mga bata.
Pero patuloy ang paglilingkod niya sa Batang Pinoy Movement.
Okay sa kanya kung totoo ang naririnig niyang pagli-link kina Koko at Cristine Reyes.
- Latest