Parol na tutulong sa mga pamilya, handog ng ABS-CBN
MANILA, Philippines - Sinimulan ng ABS-CBN ang isang kampanyang naglalayong makatulong sa mga pamilyang apektado ng sakuna sa pamamagitan ng pagbebenta ng Kapamilya Parol, isa sa mga sumisimbolo sa temang Lumiliwanag ang Mundo sa Kuwento ng Pasko.
Sa pagbili ng Kapamilya Parol na kung saan ang sentro ay dinesenyuhan ng mga batang naulila dahil sa bagyong Sendong, maaaring makatulong ang mga bibili sa libu-libong pamilyang apektado ng sakuna dahil ang lahat ng kikitain dito ay mapupunta sa Sagip Kapamilya, ang foundation ng ABS-CBN na tumutulong sa mga apektadong komunidad.
Gagamitin ng Sagip Kapamilya ang benta ng Kapamilya Parol para sa mga taong apektado ng mga kalamidad ngayong taon kung saan kasama ang mga naulilang batang hanggang ngayon ay nasa ilalim ng pangangalaga ng Sagip Kapamilya.
Ang mga parol na bibilhin ay maaari rin i-donate sa mga pamilyang kapus-palad sa pamamagitan ng pagbili ng mga parol sa online store ng ABS-CBN sa www.abscbnstore.multiply.com.
Ang ABS-CBN ang mismong magbibigay ng parol at ipapadala ang pangalan at kung posible, ay litrato ng mga tumanggap sa mga nagbigay ng donasyon. Ang kikitain sa mga nai-donate na parol ay mapupunta sa Sagip Kapamilya.
Available na ang Kapamilya Parol sa SM Kultura, mga piling istasyon ng ABS-CBN Regional Network, mga piling provincial department store tulad ng LCC Malls at Fiesta World Malls at sa ABS-CBN Store. Available rin ito globally at nationwide sa ABS-CBN Online Store.
- Latest