Asian Music Awards dineklarang best Asian artist si Sarah!
MANILA, Philippines - Pinarangalan si Sarah Geronimo bilang Best Asian Artist (para sa Philippines) sa ginanap na 2012 Mnet Asian Music Awards (MAMA) sa Hong Kong Convention and Exhibition Centre last Friday night.
Naka-level ni Sarah sa nasabing award sina Chris Lee (China); AKB48 (Japan), My Tam (Vietnam); Taufik Batisah (Singapore); at Agnes Monica (Indonesia).
Binigyan naman ng award bilang overall Best Asian Artist si Wang Lee Hom ng Taiwan.
Sa YouTube lang napanood ang video nang tanggapin niya ang award.
Big winner ngayong taon sa MAMA ang Korean superstar na si Psy na tumanggap ng Favorite Artist award at Song of the Year award para sa Gangnam Style na sikat na sikat ngayon sa maraming bansa.
“I just saw you guys singing to my song! This is strange! ” sabi ni Psy na ang real name ay Park Jae-sung.
Narito ang ilan pa sa mga nanalo :
Artist of the Year : Big Bang
Song of the Year : Psy – Gangnam Style
Best Album of the Year : Super Junior – Sexy, Free & Single
Best New Male Artist Award : Busker Busker
Best New Female Artist Award : Ailee
Best Male Group Award : Big Bang
Best Female Group Award : SISTAR
Best Male Artist Award (Solo) : G-Dragon
Best Female Artist Award (Solo) : IU
Best Dance Performance – Solo : Psy – Gangnam Style
Best Dance Performance – Male Group : SHINee – Sherlock
Actually marami pang ibang nanalo. Pero si Sarah lang ang Pinay na nakapasok sa MAMA.
Current affairs program ng ABS-CBN itatapat na sa mga drama
Pangungunahan ng ABS-CBN News and Current Affairs ang isang pagbabago sa paglulunsad nila ngayong Lunes (Dec 3) ng Pinoy True Stories na nakatuon sa totoong kwento at problema ng mga Pilipino na hihimayin ng mga beteranong mamamahayag ng ABS-CBN.
“Tutugunan ng programa ang pangangailangan ng publiko na panagutin ang may kasalanan, tulungan ang mga nasalanta at nabiktima, at magbigay ng mahahalagang aral. Sa desisyon ng ABS-CBN na ilipat ang current affairs sa mas maagang timeslot, inaasahan naming mahimok ang mas maraming manonood na makialam sa mga isyu at maging mas matatalinong mamamayan,” pahayag ni Ging Reyes, ang head ng ABS-CBN News and Current Affairs.
Bubuksan ni Julius Babao ang linggo sa maaksyong Bistado kung saan isasapubliko niya ang mga pangyayari ng pananamantala at pang-aabuso sa lipunan, pati na ang mga kaso ng katiwalian sa pamahalaan at mga kriminal na gumagamit ng bago at kakaibang modus operandi.
Mga bangayan, awayan, at baranggayan naman ang tututukan ni Karen Davila sa Engkwentro upang lutasin ang gusot sa pagitan ng iba’t ibang magkarelasyon, magkapamilya, o magkapitbahay man.
Makakasama rin nila ang reporters na sina Maan Macapagal at Dominic Almelor tuwing “Saklolo” kung saan kanilang aayudahan ang iba’t ibang taong naiipit sa anumang uri ng aksidente, pagmamalupit, o sakuna.
Samantala, may dagdag na trabaho naman si Anthony Taberna na in charge sa legal na tulong at payo sa Demandahan para bigyang kasagutan ang mga masasalimuot na kaso sa lipunan.
Mga kuwentong kababalaghan at katatakutan naman sa Hiwaga kasama si Atom Araullo upang tuklasin ang katotohanan sa mga bagay na mahirap paniwalaan.
Ang Pinoy True Stories ay magsisimula bukas ng hapon (Dec 3), 4:45 p.m. pagkatapos ng A Gentleman’s Dignity sa ABS-CBN.
So makakatapat na nila ang mga serye sa GMA 7.
- Latest