TV5 stars dadayo sa Davao
MANILA, Philippines - Tiyak na magiging makinang ang pagpasok ng Disyembre para sa Davao dahil bibisita ang mga Kapatid star doon ngayong darating na weekend para sa opisyal na paglulunsad ng Radyo Singko 101.9 News FM.
Isang motorcade ang magaganap ngayong Dec. 1 kung saan lilibot ang main stars ng Kidlat na sina Derek Ramsay, Ritz Azul, at Nadine Samonte. Kasama rin ang TV5 princess na si Eula Caballero at ang kwelang The Amazing Race Philippines’ Team Amigas na sina Saida and Jervi. Sa hapon naman ay makikisaya ang mga TV5 star sa isang bonggang mall show sa SM City Davao para sa Radyo Singko Todo Radyo Serbisyo event.
Sa Dec. 2 matutunghayan ang espesyal na concert na hinanda ni Megastar Sharon Cuneta sa Abreeza Mall. Sa Dec. 3 naman ang opisyal na pagbo-broadcast ng Radyo Singko 101.9 News FM Davao. Sa araw na iyon din ang paglulunsad ng Radyo Singko Taxi Squad sa SM City Davao kung saan mabibigyan ng pagkakataong makasali ang mga Kapatid na taxi driver. Libreng gupit, medical check-up, at merienda ang naghihintay para sa mga sasali. Makakasama rin sa selebrasyon ang batikang radio and news anchor na si Raffy Tulfo ng Radyo Singko Wanted sa Radyo.
- Latest