Bong bulag sa love life ni Vic!
PIK: Mamayang gabi na ang premiere night ng pelikulang Supremo ni Alfred Vargas na gaganapin sa Cinema 5 at 6 ng SM Fairview.
Sa Dec. 5 na ang showing nito sa lahat ng SM Cinemas nationwide at suportado ito ng Department of Education.
Ang kaabang-abang sa premiere night ng Supremo mamaya ay ang pagdating ng mga descendant ng kapatid ni Andres Bonifacio na si Procopio.
Taga-Novaliches ang karamihan sa kanila kaya naging malapit na rin sila sa aktor na tatakbong congressman sa distritong iyon.
Very proud si Alfred sa pelikulang ito dahil alam niyang maganda ang kinalabasan lalo na’t binigyan ito ng Grade A ng Cinema Evaluation Board.
PAK: Napangiti si Sen. Bong Revilla, Jr. nang tinanong ito kung nakita nga ba niya si Pauleen Luna na dumalaw sa set ng Si Agimat, Si Enteng Kabisote at si Ako.
Obviously, si Vic Sotto ang dahilan nang pagdalaw ni Pauleen pero ang sabi ng young actress, pinapunta raw siya roon ng mga kasamahan niyang Dabarkads na sina Jose Manalo at Ruby Rodriguez na kasali rin sa pelikula.
Nang tinanong uli namin si Sen. Bong tungkol dun, ng napapangiti niyang sagot: “Bulag ako nun eh.”
BOOM: Na-link dati ang isang beauty queen-actress at ang model-actor na parang nagkadebelopan na.
Pero hindi nagtagal at sabi nila, hindi naging successful ang relasyon pero nanatili naman silang magkaibigan.
Kaya ang buong akala ng lahat, wala na talagang namamagitan sa kanila.
Magkasama sila ngayon sa isang project kaya nung minsang dumalaw kami sa set, tinanong namin si beauty queen-actress kung may boyfriend ba ito. Wala raw, ayon sa kanya.
Hindi namin alam, sila pa rin pala ng model-actor na kasama niya sa project na iyon na isang drama series.
Kuwento ng ilang staff na namataan silang dalawa sa set na nag-aaway at nagsisigawan. Iyak pa raw nang iyak si beauty queen-actress na tila sinusumbatan si model-actor.
Baka nga break na naman sila na hindi lang namalayan dahil hindi naman nila inaaming sila pa rin.
- Latest