Restored na bersiyon ng Oro, Plata, Mata ipapalabas sa 2012 Cinema One Festival
MANILA, Philippines - Ang multi-awarded classic na Oro, Plata, Mata ni Peque Gallaga ang magbubukas ng prestihiyosong Cinema One Originals Film Festival 2012 ngayong Nobyembre 28 sa Robinsons Galleria Movie World sa Origas, Pasig City.
Ipinalabas noong 1982, ang pelikula ay isinulat ni Jose Javier Reyes at pinangunahan ni Rody Lacap ang sinematograpiya. Itinakda noong ikalawang digmaang pandaigdig sa probinsiya ng Negros, isinasalaysay ng pelikula kung paano kinaya ng dalawang pamilyang haciendero ang epekto ng giyera.
Tampok sa pelikula sina Cherie Gil, Sandy Andolong, Ronnie Lazaro, Joel Torre, Liza Lorena, Manny Ojeda, Maya Valdes, Lorli Villanueva, Abbo dela Cruz, Kuh Ledesma, Manny Castaneda, at Mary Walter. Nagwagi ang pelikula sa 1982 Gawad Urian ng best picture, direction, cinematography, production design, musical score at sound.
“Ang script na isinulat ni Jose Javier Reyes ay sobrang siksik sa mga pangyayari at mahirap ipaliwanag ng buo kung tungkol saan ba talaga ito. Ngunit maaring sabihin na ito ay tungkol sa kung paano binago ng giyera ang buhay ng bawat isa. Pagkatapos ng hagupit nito ay hindi na maaaring ibalik ang dati. Tungkol ito sa katiyakan ng buhay na tulad ng ginto, pilak at kamatayan at tungkol din ito sa ating bansa at kung papaano tayo naging ganito,” ayon sa review na isinulat ni Philbert Ortiz Dy.
“Sobrang daming mapupulot sa Oro, Plata, Mata; ito ang klase ng pelikulang bubusugin ka. Hindi ito dapat palampasin ng mga deboto ng pelikulang Pilipino.”
Unang beses makikita ng mga manonood ang restored version. Ito ay ginawang posible sa pamamagitan ng pagtutulungan ng ABS-CBN Film Archives sa pangunguna ni Leo Katigbak at ng Central Digital Lab, Inc. Ito ang pangalawang Filipino classic na kanilang ni-restore. Nauna ang Himala upang isabay sa ika-30 anibersaryo nito.
Ang Oro, Plata, Mata ay ang pinakaimportanteng kontribusyon ni Gallaga sa pelikulang Pilipino. Panoorin ito sa pagbubukas ng 8th Cinema One Originals Film Festival.
Tatakbo ang 2012 Cinema One Originals Festival hanggang Disyembre 9 sa Robinsons Galleria Movie World at mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 4 sa Edsa Shangri-La Cineplex. Ang pinakahihintay na awards night ay gaganapin sa Disyembre 3 sa Studio 1, ABS-CBN Main Building.
Ang 2012 Cinema One Originals Festival ay ang taunang proyekto ng Cinema One na pag-aari ng Creative Programs, Inc.
- Latest