Supremo ni Alfred ka-level ng Tiktik sa tagal nang paggawa!
Mama Salve, I stand corrected. Next year pa pala ang 150th birthday ni Andres Bonifacio at sa November 30 ang red carpet premiere ng Supremo, ang life story niya na isinapelikula at pinagbibidahan ni Quezon City Councilor Alfred Vargas. Sa December 5 naman ang playdate ng Supremo sa lahat ng SM Cinemas sa buong Pilipinas.
Nalaman ko ang kumpletong detalye tungkol sa coming soon movie ni Alfred dahil sa presscon ng Supremo na ginanap kahapon.
Mismong si Alfred ang nagsabi sa akin ng mga impormasyon tungkol sa kanyang pelikula.
Sa mga bayaning Pilipino, si Bonifacio ang pinakapaborito ni Alfred. Noong nasa grade school siya, ang role ni Bonifacio at hindi ang papel ni Jose Rizal ang kanyang pinipili sa tuwing may mga stage play sila sa kanilang school. Ganyan katindi ang paghanga ni Alfred kay Bonifacio.
Holiday ang November 30. Idineklara na Bonifacio Day ang November 30 bilang paggunita sa araw ng kapanganakan ni Bonifacio.
Walang dahilan para hindi makadalo sa red carpet premiere ng Supremo sa SM Fairview Cinema.
Pinili ng mga producer na venue ang SM Fairview Cinema dahil bahagi ito ng distrito na nasasakupan ni Alfred. Gusto niya na isa sa mga unang makapanood sa Supremo ang kanyang constituents sa 5th District ng Quezon City.
Si Richard Somes ang direktor ng Supremo. Award-winning production designer si Richard kaya malaki ang natipid nina Alfred at PM Vargas, kapatid ni Alfred na producer ng pelikula, sa Supremo.
Mahirap mag-produce ng isang period movie pero naging madali ang lahat dahil sa tulong ni Richard na ipinahiram ang mga lumang gamit.
Malaki ang pasasalamat nina Alfred at PM kay Richard dahil bukod sa pagiging direktor, siya rin ang production designer ng Supremo.
Sayang dahil hindi nakarating kahapon si Richard sa presscon. Pagkakataon na sana na malaman ng press ang kanyang sikreto sa paggawa ng isang impressive movie na mapagkakamalan na milyung-milyong piso ang budget.
Eighteen months na ginawa ang Supremo at ka-level na nito ang Tiktik: The Aswang Chronicles, ang blockbuster movie ni Dingdong Dantes na isang taon at kalahati rin ang inabot bago natapos.
Ipinakita kahapon sa presscon ang trailer ng Supremo.
Hindi sa pagyayabang, napakaganda ng pelikula, base sa mga eksena na napanood ko. Parang ang laki-laki ng budget ng Supremo na inabot ng isa at kalahating taon, bago natapos ang shooting.
Si Alfred at ang kanyang kapatid na si PM ang mga executive producer ng pelikula. Nakaramdam ako ng pagmamalaki para sa magkapatid dahil nakagawa sila ng isang movie project na maipagmamalaki ng bawat Pilipino.
A must see movie ang Supremo. Malaking bagay na suportado ng CHED ang pelikula at ire-require nila sa mga estudyante na panoorin ang epic at historical movie ni Alfred.
Mga mahuhusay na stage at character actors ang co-stars ni Alfred sa Supremo. Hindi na kailangan ng mga sikat na artista dahil ang kuwento at mga tunay na pangyayari sa buhay ni Bonifacio ang inihahandog ng mga producer.
Dahil sa presscon na pinuntahan ko kahapon, saka ko lang nalaman na second wife na pala ni Bonifacio si Gregoria de Jesus dahil namatay sa ketong ang kanyang first wife. Nang yumao si Bonifacio, nag-asawa uli si Gregoria at ang kaibigan ni Bonifacio na si Julio Nakpil ang kanyang second husband.
- Latest