Dahil inookray, Grace Lee tsutsugihin sa news program ng tv5 gagawing co host ni Willie Revillame
Gaano katotoo ang tsismis na aalisin ng TV5 si Grace Lee sa news program ng network at ililipat sa Will Time Bigtime bilang isa sa mga co-host ni Willie Revillame? Hindi pa raw gamay na newscaster si Grace, nagkakamali ito at para hindi na maokray ng husto ng viewers, aalisin muna siya sa news.
Naalala namin, inalis si Martin Andanar sa morning news program ng TV5 at ipinalit sa kanya si Grace. Hindi kami sure kung ibabalik si Martin ngayong aalisin si Grace at ilalagay muna sa show ni Willie.
Siguro naman hindi nagsisisi si Grace na umalis siya sa GMA 7, kung saan, nahahasa siyang mag-host sa entertainment segment ng 24 Oras Weekend at sa sarili niyang cooking show at lumipat sa TV5.
RHIAN OPEN NA OPEN SA RELASYON NILA NI KC
Nakapapanibago, pero maganda para sa press people ang pagiging open ni Rhian Ramos sa relasyon nila ni KC Montero. Sa interview namin sa aktres sa set ng Sossy Problems, hindi maiwasang mapag-usapan ang BF dahil inamin nitong isa ito sa nagpapasaya sa buhay niya ngayon.
Hindi nito alam (o ayaw lang sabihin) kung kailan nag-start ang relasyon nilang dalawa, basta after ng Las Vegas trip nila para sa Smart na pareho nilang ini-endorse, hindi na sila naghiwalay and up to now, enjoy silang magkasama.
Tiyak na may magre-react sa sinabi ni Rhian na “Sobrang bait ni KC. Hindi siya seloso at kahit sino ang tanungin n’yo, siya ang pinaka-patient. Walang problema sa kanya dahil lahat naiintindihan niya. Hindi namin pinag-aawayan ‘pag may lumapit sa aking ibang guys halimbawang nasa party kami. Mahilig din siyang magbigay ng service sa ibang tao.”
Naiinggit daw siya kay Heart Evangelista na laging in love at laging happy at tila walang dark moments sa buhay niya at kung meron man, hindi sineseryoso.
First Christmas together nina Rhian at KC as a couple, wala pa silang plano how to spend their first Christmas. Hindi siya puwedeng umalis dahil may movie siya para sa MMFF. Gusto niyang sumama sa Parade of Stars sa December 23 at sumakay sa karosa. Type rin niyang mag-attend ng awards night sa Dec. 27.
Samantala, bilang si Lizzie sa Sossy Problems, ire-represent ni Rhian ang mga anak mayaman na sa sobrang kaartehan, kinaiinisan na at pati pamilya niya ay maiinis sa kanya at iiwan siya at itatapon sa probinsiya.
“Sa grupo naming magkakaibigan, pinaka-rich ako, pinaka-bossy at pinaka-maarte. Sobrang enjoy ako sa movie na ito kahit wala akong pahinga dahil nagti-taping din ako ng Indio. Sa tent namin, instead na magpahinga, nagtsitsismisan kaming apat,” kuwento ni Rhian.
‘WALANG BALIKAN SA AMIN NI MAJA’ - MATTEO
Hindi pa rin bumabalik ang puti ni Matteo Guidicelli nang makausap namin ang young actor sa presscon ng 38th MMFF at feeling niya, hindi na siya puputi. Very proud at excited ang ex ni Maja Salvador sa pelikula niyang Paglaya sa Tanikala (Freedom From The Chain) isa sa limang kasali sa New Wave Section.
Dual role ang ginagampanan ni Matteo sa movie, bilang si Bro. Jerry at si St. Jerome Emiliani. Produced ang movie ng Kuwentista Productions at Somescan Father Foundation, nasa ilalim nito ang Somescan Congregation na nagtayo ng schools, orphanages and seminaries around the world.
Bilang si St. Jerome, may prosthetics sa mukha si Matteo at pati paglakad niya ay kailangan niyang baguhin para maging kapani-paniwala. Hindi siya nag-i-expect ng award, blessing na sa kanyang kasama ang movie sa MMFF at first time niyang mapasama sa filmfest.
Nilinaw pala ni Matteo na walang kinaalaman ang hilig niya sa sports sa break-up nila ni Maja. Hindi rin siya na-fall out of love sa aktres, mutual decision nila ang maghiwalay para mag-focus sa kani-kanilang career. Malulungkot ang fans nila ni Maja sa sinabi nitong wala nang balikang mangyayari sa kanila.
SOLENN AT POKWANG WALANG ORAS SA PELIKULA NINA JOSE AT WALLY
Wala ang leading ladies nina Jose Manalo at Wally Bayola sa presscon ng ‘D Kilabots Pogi Brothers…Weh!?. Hindi sinabi kung bakit wala si Pokwang, pero si Solenn Heussaff, nasa shooting ng Sossy Problems.
Wala ring picture na magkakasama ang apat sa poster ng movie, ang tsika sa amin, sina Jose at Wally lang ang nag-pictorial na magkasama. Si Pokwang ay pinuntahan na lang sa ABS-CBN at doon na kinunan ng litrato. Si Solenn, solo ring kinunan ng picture at pinagsama-sama na lang ang picture nila sa poster.
Mukhang hindi na mababago ang poster dahil walang time mag-pictorial ang apat. Umalis kahapon sina Jose at Wally para sa show ng Eat…Bulaga sa London at November 28, na ang showing ng pelikula.
Hindi na rin nakasama kina Jose, Wally at Paolo Ballesteros sa presidential table si Gina Pareῆo na gumaganap na ina nina Jose at Wally dahil na-late ang aktres dahil sa trapik. Wala rin si Jimmy Santos na gumaganap na ama nina Jose at Wally.
- Latest