Jose at Wally mababa pa rin ang TF
PIK: Kahit sinasabing sikat na sikat na sina Jose Manalo at Wally Bayola, tinitiyak nilang walang nabago sa kanilang dalawa. Hanggang ngayon ay sinasabi pa rin ni Jose na hindi sila nagtaas ng talent fee at baka wala naman kumuha sa kanila.
Parang Chinese lang ang strategy nila, mabuting mas mura para marami ang kukuha at maraming trabaho. Pero nakasalalay sa pelikula nilang ’D Kilabots Pogi Brothers…Weh?! kung gaano sila ka-bankable dahil napatunayan na nila sa concert kung saan napuno nila ang Smart Araneta Coliseum, at ngayon naman itong pelikula na magsyu-showing na sa Nov. 28.
PAK: Kasali rin sa pelikula nina Jose at Wally si Paolo Ballesteros na ang galing sumagot pagdating sa kinukuwestiyon ang kanyang kasarian. “Bahala na lang sila mag-isip kung ano ako. Hindi naman ako magdi-deny kung ano ang naiisip nila sa akin,” pakli ng Eat Bulaga co-host.
Masaya naman siya ngayon sa kalagayan niya at sa takbo ng career niya at ang isa sa nagbibigay ng inspirasyon sa kanya ay ang anak niya. Tingin naman niya maintindihan naman ng anak niya kung ano ang tunay niyang pagkatao.
Tinanong pa si Paolo, kung nakahanda ba siyang magkaroon pa uli ng anak: “Kung kaya pa ng matris ko,” patawa niyang sagot.
BOOM: Ilang beses naming kinontak ang handler at pati ang manager ni Derek Ramsay tungkol sa mga pasabog ni Angelica Panganiban pero ayaw talaga itong sagutin ng hunk actor.
Mabuting manahimik na lang siya dahil lalo lang lalaki at wala namang pino-promote si Derek kundi ang regular show lang niya na The Amazing Race Philippines. Si Angelica kasi ay may pelikulang pino-promote kasama si John Lloyd Cruz. Obviously, nagagamit ang isyu para sa kanilang pelikula.
Ayon kay Jojie Dingcong na manager ni Derek, magsasalita rin ang aktor sa tamang panahon na walang pino-promote na kung ano man.
- Latest