Jay Taruc aalamin kung bakit nagsisialis ang mga kabataan sa Batanes
MANILA, Philippines - Marami ang nangangarap na marating ang mga isla ng Batanes. Dahil sa kakaiba at kamangha-manghang kagandahan ng lugar, masasabing isa itong paraiso na walang katulad saan mang lugar sa Pilipinas.
Katunayan, kapag nasa Batanes, iisipin mong wala ka sa Pilipinas. Mula sa mga bahay na gawa sa bato, ang mga swabeng dalisdis ng lupain, ang karagatang pumapalibot sa isla, ang magigiliw na mukha ng mga Ivatan pati ang mayaman nilang kultura.
Pero para sa karamihan ng mga kabataang katutubo ng Batanes, ang engrandeng biyaya ng kalikasan ay hindi sapat. Kung kaya kada taon, nililisan ng marami ang lupang kinagisnan para ipagpatuloy ang pag-aaral sa ibang lugar o kaya naman ay para maghanap ng mas magandang oportunidad. Ang Batanes kasi, kahit na kanlungan ng kalikasan at ng payapang mamamayan, ay tila walang ibang oportunidad na maibigay.
Nasa kamay na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Batanes ang solusyon sa paglisan ng kanilang kabataan.
Dahil sa lokasyon ng Batanes, ang ilan sa mga lumisan ay hindi pa nagbabalik. Ang iba sa kanila ay malayo na ang narating sa ibang bahagi ng mundo. Pero walang katulad ang Batanes. Kung gustuhin mang lisanin ng kabataan ang Batanes, masisisi mo ba sila?
Ngayong Lunes, abangan ang ikalawang yugto ng espesyal na serye ng I-Witness para sa ika-labintatlong anibersaryo ng programa.Mapapanood ang Itbayat episode ni Jay Taruc pagkatapos ng Saksi sa GMA Network.
- Latest