ABS-CBN at Comelec, inilunsad ang halalan 2013 app para sa android
MANILA, Philippines - Inilunsad ng ABS-CBN at COMELEC kamakailan ang Halalan 2013 application para sa mga smartphone na Android. Gamit ang application na ito ay maaaring makakuha ang mga botante ng mahahalagang impormasyon ukol sa parating na halalan.
Mada-download ang app mula sa Play Store.
Itinaguyod ng ABS-CBN ang paggawa ng naturang app para sa Commission on Elections (COMELEC) sa layunin na pag-ibayuhin pa ang kakayanan ng publiko sa pagboto at paglahok sa halalan. Gamit ang app ay makakakuha ang mamamayan ng kailangan nilang impormasyon at serbisyong kaugnay sa halalan, anumang oras at kahit saan sila naroroon.
Sa pamamagitan ng Halalan 2013 app ay maaaring malaman ng publiko kung sila ay rehistrado na para bumoto. Maaari rin nilang hanapin ang presintong dapat nilang puntahan para bumoto.
Ang mga first-time voter ay matutulungan din ng Halalan 101 feature ng application, dahil ibibigay nito ang dapat malaman tungkol sa eleksyon tulad ng mga dapat dalhin kapag magpapa-rehistro.
Bukod diyan, ang Halalan 2013 app ay magbibigay ng pinakamaiinit na balita ukol sa halalan mula sa abs-cbnnews.com. Para i-download ang COMELEC Halalan 2013 app, buksan lang ang Play Store sa inyong Android device at i-type ang COMELEC sa search box. I-install ang COMELEC app na nilikha ng ABS-CBN Interactive.
Nakatakda nang ilabas ng ABS-CBN ang iOS version ng app sa lalong madaling panahon.
- Latest