Kapuso employees masaya sa hindi natuloy na bentahan
O eh masaya kaming mga Kapuso sa hindi pagkakatuloy ng bentahan ng GMA 7 at ni Manny V. Pangilinan. Siyempre, nag-worry kaming lahat dahil kahit alam namin ang kagalingan ni MVP sa pagpapatakbo ng mga kumpanya niya, eh nasanay na kami sa pamamahala ng mga bossing namin ngayon. Iba siyempre ’yung magkakaroon ng mga bagong may-ari, hindi namin alam kung anong pagpapatakbo ang gagawin nila.
Marami rin ang nag-aalala na dahil sa mga ganitong bentahan ay mga empleyadong nawawala, natatanggal.
Ngayon ay nakakahinga na naman kami ng maluwag. Walang bentahang magaganap. Ke presyo ang hindi pinagkasunduan o ano man, masaya na kami, pansamantala. Dahil baka magkaroon na naman ng mga bagong magiging interesado na maangkin ang network pero sa ngayon kampante muna kami, until the next buyer comes along.
Papalit sa mga natapos na serye kailangan ding mag-rate
Malaking challenge na naman sa GMA 7 at ABS-CBN ang pagtatapos ng mga serye nila. Dahil sinubaybayan ang mga ito, kailangang ang makakapalit nito ay kasing ganda rin.
Bumalik na sa panonood ng Walang Hanggan ang mga kasambahay ko. Bumalik na raw kasi sa orihinal na istorya ito. Medyo nadiskaril nang gawan ng ekstensiyon na siya namang nangyayari sa ‘lahat’ ng mga palabas na hinahabaan. Nawawala kasi sa takbo ang istorya.
Coco binalikan na ng mga kasambahay
Ganda raw ng episode nina Coco Martin at Julia Montes sa Walang Hanggan nung Biyernes. Naku, hindi matapus-tapos ang kuwentuhan ng aking mga kasambahay tungkol dito. Wala silang paki kahit dinig na dinig ko ang nga kuwentuhan nila habang kumakain ako ng dinner.
Tanong ko sa kanila, “O, akala ko ’di na kayo nanonood nito? ’Di ba iniwan n’yo na ito?”
“Naku, Kuya Germs, maganda na uli. Nakakaiyak nga. Si Coco talagang ang galing-galing. Pero si Julia magaling din pala,” ang sabay-sabay nilang sabi.
- Latest