GMA7 at DZBB, humakot ng parangal sa VACC
MANILA, Philippines – Tuluy-tuloy sa pag-ani ng tagumpay ang GMA Network matapos itong mamayagpag sa kagaganap lamang na Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Awards nitong September 22 sa Camp Crame sa Quezon City.
Pinarangalan ang GMA7 bilang Outstanding TV Station, habang tinanghal naman na Outstanding Radio Station ang flagship AM station ng GMA na DZBB 594 khz.
Nagwagi rin ang multi-awarded broadcast journalist at GMA News Pillar na si Mike Enriquez bilang Outstanding Radio Host para sa kaniyang early morning radio program na Saksi Sa Dobol B. Nanalo naman si Carlo Mateo ng DZBB bilang Outstanding Radio Reporter.
Sa telebisyon, tinanghal na Outstanding Television News Program ang noontime newscast ng GMA News TV na Balitanghali. Ang mga news anchors nito na sina Raffy Tima at Pia Archangel naman ang tumanggap ng Outstanding Television News Reporter Award.
Ang isa pang award-winning GMA News Producer na si Jiggy Manicad ay kinilala bilang Outstanding News Reporter. Kamakailan napabilang si Manicad, na anchor ng 24 Oras Weekend sa GMA7 at News TV QRT sa GMA News TV, sa hall of fame ng Comguild Awards matapos itong manalo bilang Best Male Field Reporter sa loob ng tatlong sunud-sunod na taon.
Samantala, ang GMA News reporter naman na si Marisol Abdhuraman ay isa sa mga special awardee sa event.
Ang VACC ay may layong tulungan ang mga biktima ng iba’t ibang uri ng krimen. Ang VACC Awards ay bahagi ng kanilang selebrasyon para sa kanilang ika-14 na anibersaryo.
- Latest