Carmi Martin ibubunyag ang hirap na pinagdaanan sa Martial Law
MANILA, Philippines - Sino nga ba ang Pilipino? Marahil, isa itong tanong na bumagabag sa isip ng mismong mga Pilipino noong panahon ng Martial Law. Ang Pilipino nga ba ay mayumi at matiisin, na basta na lang tatanggapin ang kawalan ng kalayaan kapalit ng pangako ng kaunlaran at disiplina?
May sagot rito ang ilang mga pelikula noong dekada 70 at 80 na nagbigay ng bagong mukha sa mga Pilipino. Mga pelikulang hinirang na pinakamagagaling na obra sa kasaysayan ng cinema sa bansa.
Nang ipasara ng Marcos regime ang mga diyaryo, radyo, at telebisyon, tila nagsikap ang ilang direktor na ipakita ang totoong sitwasyon ng bansa gamit ang kanilang pelikula.
Sa ika-40 anibersaryo ng pagdeklara ng Martial Law, samahan si Howie Severino na balikan ngayong Lunes sa I-Witness ng GMA 7 ang dekada 70 sa pamamagitan ng mga pelikulang nilikha noong panahong iyon. Panahong kinikilala bilang isa sa mga golden age ng Philippine cinema.
Ikukuwento ni Christopher de Leon ang isa sa mga kauna-unahan niyang role bilang Kulas sa Filipino classic na Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? At tatalakayin ng direktor nitong si Eddie Romero kung sino nga ba sa tingin niya ang Pinoy.
Sasariwain naman ni Carmi Martin ang kanyang role bilang sexy dancer sa Bayan Ko: Kapit sa Patalim. Pelikula ito ni Lino Brocka na nagpakita ng isang desperado ngunit palaban na Pilipino na si Turing na ginampanan ni Philip Salvador. Ibubunyag ni Carmi ang hirap na pinagdaanan ng kanilang pelikula at kung paano ito itinakas sa bansa para lang maipakita sa Cannes Film Festival.
Makakasama rin ni Howie Severino si Behn Cervantes, direktor ng Sakada na isa pang pelikulang ipinagbawal ng rehimeng Marcos. Kasama ni Behn, babalik sila sa kampo kung saan sila kinulong kasama si Direk Lino matapos ang isang kilos protesta noong dekada otsenta.
Makulay ang istorya ng bawat pelikula ngunit tila mas makulay pa ang istorya sa paggawa nito. Balikan ang isang bahagi ng mga nagdaang dekada kasama ang host na si Howie Severino ngayong Lunes pagkatapos ng Saksi.
- Latest