ABS-CBN panalung-panalo sa probinsiya!
MANILA, Philippines - Mas marami pang Pilipino ang maaabot ng ABS-CBN bunsod ng pagpapatayo nito ng higit sa sampung bagong relay station at pagpapalawig ng coverage sa telebisyon at radyo sa mga regional station nito sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ipinahayag ng ABS-CBN Regional Network Group (RNG) head na si Louis Benedict Bennett na magpapatayo ng bagong TV stations sa mga lugar tulad ng Oriental Mindoro, Davao Oriental, Antique at Negros Occidental at kasalukuyan na ring pinapalakas ang TV power at signal sa mga istasyon sa Tacloban, Dagupan, Baguio, Bacolod, at Cagayan de Oro.
“Ang ABS-CBN ang unang TV network na magtatayo ng mga istasyon sa mga lugar na ito at mag-eere ng mga lokal na programa. Hindi pa ito nagagawa ng ibang TV network,” ani Bennett.
Lumilikha at nagpapalabas ang ABS-CBN RNG ng mga lokal na programa tulad ng newscasts, morning programs, game shows, at mga programang naghahatid ng serbisyo publiko tampok ang mga pangyayari sa kani-kanilang rehiyon.
Ipinagmalaki rin ni Bennett na ang pinakabagong istasyon ng ABS-CBN RNG sa Palawan ay nagpapalabas na ng sarili nitong bersiyon ng TV Patrol na Mag TV Na.
Sa kasalukuyan, ang Kapamilya network ang may pinakamaraming lokal na istasyon sa iba’t ibang probinsiya sa Luzon (Appari, Batanes, Tuguegarao, Baguio, Pampanga, Dagupan, Batangas, Laoag, Isabela, Naga, Roxas, Kalibo, Legazpi, at Palawan) Visayas (Cebu, Bacolod, Tacloban, Dumaguete, at Iloilo) at Mindanao (Davao, Cagayan de Oro, Butuan, Zamboanga, Iligan, Cotabato, Dipolog, Koronadal, at General Santos).
Samantala, naki-fiesta naman ang ilan sa pinakasikat na stars ng ABS-CBN sa mga Bikolano sa ginanap na Peñafrancia Festival noong Sabado (September 8), 4:00 p.m. sa Plaza Quezon, Naga City. Naki-bonding sa mga bida ng patok na daytime show na Be Careful with My Heart na sina Richard Yap at Jodi Sta. Maria, kasama ang Walang Hanggan stars na sina Coco Martin at Joem Bascon, at si Maja Salvador.
Personal nilang pasasalamatan ang mga manonood doon para sa kanilang patuloy na pagtangkilik sa ABS-CBN kaya naman patuloy itong nangunguna sa ratings base sa datos ng Kantar Media. Muling umariba ang primetime block (6:00 p.m.-12:00 midnight) ng ABS-CBN sa buong Luzon kung saan humataw ito sa average audience share na 43% kumpara sa 32% ng GMA. Pagdating naman sa Visayas, panalo pa rin ang ABS-CBN Primetime Bida sa average audience share na 56% laban sa 25% ng GMA, at sa Mindanao kung saan nakapagtala ito ng 62% laban sa 18% ng GMA.
MOCHA NAGBUYANGYANG SA PLAYBOY
Tuwang-tuwa ang Mocha Girls dahil sunud-sunod ang dating ng trabaho at biyaya sa kanila.
Una na rito ang mainit na pagtanggap ng mga ‘netizen’ sa kanilang mga video na nilalabas sa youtube. Isa rito ay ang sikat na sikat na kantang Gangnam Style. Umabot na sa 1 million ang nag-view ng nasabing video sa loob lamang ng limang araw. Meron din silang short film na pinamagatang Super Mocha Girls. Maganda rin ang naging pagtanggap dito. Masasabing sila na nga ang bagong youtube sensation.
Ngayong buwan din ng Setyembre ay sila ang cover ng Playboy Magazine (Philippine edition).
Ayon nga kay Mocha Uson, lider ng grupo : “marami na akong pinaunlakan na cover sa magazine pero dito sa Playboy ko inilabas ang lahat,” sabay halakhak ni Mocha.
Kasama ni Mocha sa pictorial ang buong grupo na kinabibilangan nina Chloe Rector, Franz Fainsan, Yumi Ociman at Mae dela Cerna.
Sa buwan naman ng Nobyembre ay may US and Canada tour ang grupo kaya masasabing pang-international na ang Mocha Girls. Hindi na lang sila basta pang-‘Pinas.
Nag-concert na rin ang Mocha Girls sa ibang bansa tulad ng Malaysia, Hongkong, Qatar, Dubai at Bahrain.
At tunay ngang namamayagpag ang kasikatan ng Mocha Girls dahil na rin sa natanggap nilang award sa nakaraang PMPC Star Awards for Music. Nasungkit ng grupo ang Best Dance Album of the Year. Pangalawang award na ito ng Mocha Girls. Kung matatandaan noong 2009 ay nakuha rin nila ang Best Dance Album.
Gumawa na rin ng pelikula ang Mocha Girls para sa Cinemalaya.
Bongga, hindi lang pang kantahan at sayawan ang Mocha Girls kinakarir na rin nila ang pag-arte.. Ano kaya ang susunod na gagawin nila?
- Latest