Heart aminadong pro-RH pero 'di apektado ang paniniwala sa Diyos
Nasulat namin dito sa PSN na si Heart Evangelista ang pumalit kay Isabelle Daza sa December filmfest entry na Sossy Problem. Ang GMA Films ang producer ng pelikula pero ang alam namin sa Viva Films may movie contract ang aktres at may naiwan pang commitment sa Regal Entertainment, Inc.
Ang commitment sa Regal ang inirason ng kampo ng aktres kung bakit hindi natanggap ang offer ng Unitel Productions at Studio 5 na maging leading lady ni Edgar Allan Guzman sa episode na Pedrong Walang Takot ng Mga Kuwento ni Lola Basyang. Naghahanap pa ang mga producer nang ipapalit kay Heart.
Samantala, noong Lunes nagsimula ang Book Three ng Luna Blanca at nakuha ni Heart ang kilos nina Mona Louise Rey at Barbie Forteza na unang gumanap sa role ni Blanca. Pinag-aralan niya kung paano ang atake ng dalawa para hindi maligaw ang viewers sa karakter ni Blanca.
Sa presscon, natanong si Heart sa RH Bill at heto ang sagot: “I’m for RH Bill and I’m also for life. I’m for RH Bill and it has nothing to do with your belief in God.”
Si Sen. Chiz Escudero kaya, pro or anti-RH Bill?
Richard hahawakan ang pagbabalik ng Extra Challenge
May announcement ang Twitter account na @GMAKapuso1950 na “Mapapanood n’yo na ulit ang isa na namang Extra Challenge na mamahalin at tututukan ninyo. Soon!”
Walang ibang binigay na detalye tungkol sa nababalitang pagbabalik ng Extra Challenge, gaya ng kung sino ang host at kung kailan sisimulan. Pero malakas ang balitang si Richard Gutierrez ang male host at may makakasama siyang co-host.
Teka lang, ’pag si Richard ang magho-host ng Extra Challenge, paano na ang Survivor Philippines? Si Paolo Bediones ang huling host ng reality show bago ito mawala sa ere.
Masaya nito ang Unitel Productions, Studio 5, at si Director Chris Martinez dahil magagawa ni Zsa Zsa Padilla sa Maria Alimango episode ng Mga Kuwento ni Lola Basyang. Kaya pala kahit nabanggit ng singer-actress bago ang laparoscopy operation niya na baka hindi agad siya makabalik sa trabaho, hindi naisip ni Direk Chris na humanap nang makakapalit ni Zsa Zsa.
Makakasama ni Zsa Zsa sa episode sina Sam Concepcion at Alex Gonzaga. First team-up ito ng dalawa at sana tanggapin ng tao kahit kay Jasmine Curtis nali-link si Sam. Kasama rin daw sa episode si Nadine Samonte as Zsa Zsa’s daughter.
Na-tweet pala ni Zsa Zsa na baka makabalik siya sa ASAP 2012 sa Sept. 23 pero una siyang mapapanood sa Kris TV this Wednesday. First in-depth interview ito ng singer-actress after niyang makabalik ng bansa.
Australiano na sanay sa Hollywood films binusisi ang indie film ni Dingdong
Kundi pa namin napanood ang behind-the-scenes ng Tiktik: The Aswang Chronicles, hindi namin malalamang five years na palang based dito ang Australian scenic artist na si Peter Collias. Si Mr. Collias ang scenic artist ng mga pelikulang The Matrix, Ghost Rider, Amma and the King, Kangaroo Jack, Peter Pan, at iba pang Hollywood-produced movies.
Si Mr. Collias ang set designer ng Tiktik at sa tulong ng Pinoy production designer na si Benjamin Padero, mas napaganda pa ang horror flick na showing sa Oct. 17, bida sina Dingdong Dantes, Lovi Poe, Joey Marquez, at Janice de Belen.
Kamangha-mangha ang ginawa nila sa 2,000-sqm. warehouse sa FTI, Taguig City na ginawa nilang studio dahil dito lahat kinunan ang eksena, pati ang car chase at fight scenes ng mga aswang.
OTL patuloy na nagpapaiyak
Ilang gabi nang pinapaiyak ng One True Love ang sumusubaybay sa soap dahil sa matitinding eksena. Sa episode mamaya, akala ni Tisoy (Alden Richards) si Elize (Louise delos Reyes) ang nakita niya sa libing ni Henry (Bembol Rocco).
Kumuha ng acceleration test si Tisoy para makapag-college at nang ibalitang nasagutan ang lahat ng questions, pangungunahan ni Carlos (Raymond Bagatsing) ang selebrasyon at matutuwa nang pasalamatan siya ng anak.
Pagbalik nina Leila (Agot Isidro) at Elize sa bansa, kay Ellen (Jean Garcia) dadalhin ng una ang anak na labis ikinatuwa ni Ellen at ikinaglit ni Carlos.
- Latest