Bj Tolits, batang birador sa Reel Time
MANILA, Philippines - “Hindi ko na po alam kung ilan ang napatay ko.” Ito ang mga nakakakilabot na salita mula sa isang katorse anyos na bata, si “Niño,” hindi niya tunay na pangalan. Sa murang edad na sampu ay bihasang snatcher na sa Maynila si “Niño.” Kinalaunan, panghoholdap naman ang kanyang pinuntirya.
At dahil sa maagang namulat sa ganitong kalakaran, tinawag siyang ‘Palos’ dahil sa kanyang galing sa pagtakas sa mga otoridad. Sa katunayan, hindi na mabilang ni “Nino” ang kanyang mga nabiktima pero apat na beses pa lang siyang nahuli ng mga pulis.
Ang mga magulang ni “Niño” ay mga kilalang “oslo” o mandurukot din sa kanilang lugar. Kinalakihan din niya ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot ng kanyang mga magulang. Ang kanyang ina at ama-amahan ay kapwa nakakulong din kamakailan sa presinto dahil sa pandurukot. Ito ang mundong kinamulatan ng binatilyo.
Ganunpaman, may takot pa rin si ”Niño” sa Diyos pero hindi niya alam kung magagawa pa niyang magbago.
Ano nga bang kinabukasan ang naghihintay sa isang tulad niyang bata pa lang ay binansagan nang salot ng lipunan? Maituturing ba siyang biktima dahil sa kaniyang murang edad? O dapat ba siyang itratong kriminal dahil wala na siyang sinasanto at kinatatakutan?
Tunghayan ang buhay juvenile delinquent sa pagganap ni BJ “Tolits” Forbes bilang Batang Birador, ngayong Linggo sa Reel Time, Setyembre 9, 8:45 p.m. sa GMA News TV Channel 11.
- Latest